1Ito naman ang sinabi ng Panginoon tungkol sa mga Amonita: “Wala bang lahi si Israel na magmamana ng lupaing ito? Kayong mga sumasamba sa diyos-diyosang si Molec, bakit kayo nakatira sa mga bayan ng lupain ni Gad?
2Darating ang araw,” sabi ng Panginoon, “na ipapasalakay ko sa mga kaaway ang Rabba. Wawasakin ang lungsod nʼyong ito pati ang mga baryo sa palibot ay susunugin. Sa ganitong paraan, mapapalayas ng mga taga-Israel ang mga nagpalayas sa kanila,” sabi ng Panginoon.
3“Umiyak kayo nang malakas, kayong mga taga-Hesbon dahil wasak na ang Ai. Umiyak din kayong mga taga-Rabba. Magdamit kayo ng damit na sako at magparooʼt parito sa gilid ng pader upang ipakita ang inyong pagluluksa. Sapagkat bibihagin ang diyos-diyosan nʼyong si Molec pati ang mga pari at pinuno niya.