8Bilang propeta, kasama ko ang Diyos sa pagbabantay sa inyo na mga taga-Israel. Ngunit kahit saan ako pumunta ay nais ninyo akong ipahamak; para akong ibon na gusto ninyong mahuli sa bitag. Galit sa akin ang mga tao sa Israel, na itinuturing ng Diyos na kanyang tahanan.
9Napakasama na ninyo tulad ng mga lalaki noon sa Gibea. Aalalahanin ng Diyos ang inyong mga kasamaan, at parurusahan niya kayo sa inyong mga kasalanan.
10Sinabi ng Panginoon, “Mga taga-Israel, noong piliin ko ang mga ninuno ninyo na maging mamamayan, tuwang-tuwa ako. Gaya ng taong tuwang-tuwa nang makakita ng ubas na tumubo sa disyerto o nang makakita ng unang bunga ng puno ng igos. Ngunit nang pumunta sila sa Baal Peor, itinalaga nila ang kanilang sarili sa mga nakakasuklam na diyos-diyosan, at naging gaya sila ng mga kasuklam-suklam na diyos-diyosang iyon na kanilang iniibig.
11Mga taga-Israel, mawawala ang inyong kadakilaan na parang ibong lumipad. Wala nang mabubuntis at wala ring manganganak sa inyong mga kababaihan.
12At kung may manganganak man, kukunin ko ang mga anak nila at magluluksa kayo. Nakakaawa naman kayo kapag iniwan ko na kayo.