3At nangyari ito ngayon. Talagang ginawa ng Panginoon ang sinabi niya. Nangyari ito dahil gumawa ng kasalanan sa Panginoon ang mga kababayan mo at hindi sila sumunod sa kanya.
4Aalisin ko na ngayon ang kadena mo at palalayain na kita. Kung gusto mo, sumáma ka sa akin sa Babilonia at aalagaan kita roon. Ngunit kung ayaw mo, nasa sa iyo iyon. Tingnan mo ang buong lupain; malaya kang pumunta kahit saan.
5Kung gusto mo talagang magpaiwan dito, bumalik ka kay Gedalias na anak ni Ahikam at apo ni Safan. Ginawa siyang tagapangasiwa ng hari ng Babilonia sa mga bayan ng Juda. Maaari kang makapanirahang kasama niya at ng mga nasasakupan niya o kahit saan man na nais mong pumunta.” Pagkatapos, binigyan siya ni Nebuzaradan ng mga pagkain at regalo, at pinalaya.
6Kaya umalis si Jeremias at pumunta kay Gedalias na anak ni Ahikam doon sa Mizpa at tumira roon kasama ng mga taong naiwan.
7May ilang mga opisyal at mga sundalo ng Juda na nasa bukirin na hindi sumuko sa mga taga-Babilonia. Nabalitaan nilang si Gedalias na anak ni Ahikam ay ginawang gobernador ng hari ng Babilonia sa buong lupain upang mamuno sa mga lalaki, babae at mga bata na siyang pinakamahirap ang kalagayan na naiwan at hindi dinalang bihag sa Babilonia.