15Ngunit mawawasak ang Moab at ang mga bayan nito. Papatayin ang kanilang matatapang na kabataan,” wika ng Panginoon na haring Makapangyarihan.
16“Nalalapit na ang kapahamakan ng Moab, ang mga sakunaʼy nagbabanta nang dumating.
17Umiyak kayo, kayong lahat na kakampi ng Moab! Sabihin ninyo, ‘Wala na ang Moab! Nabali na ang kanyang tungkod, ang tungkod na sagisag ng kapangyarihan at katanyagan niya.’
18“Kayong mga taga-Dibon, magpakumbaba kayo at maupo sa lupa dahil ang nagwasak sa Moab ay sasalakay din sa inyo at gigibain ang mga lungsod ninyo na napapalibutan ng mga pader.
19Kayong mga nasa Aroer, tumayo kayo sa tabi ng daan at magbantay. Magtanong kayo sa mga nakatakas kung ano ang nangyari.