Ang Awit 2

1Akoʼy isang bulaklak lamang ng Saron, isang liryo sa lambak.

2Kung ihahambing sa ibang kababaihan, ang irog koʼy tulad ng liryo sa gitna ng matinik na halamanan.

3Kung ihahambing sa ibang kabinataan, ang mahal koʼy tulad ng puno ng mansanas sa gitna ng mga puno sa kagubatan. Nananabik akong maupo sa lilim niya, at tikman ang matamis niyang bunga.

4Dinala niya ako sa isang handaan upang ipakita sa lahat na ako ay kanyang minamahal.

5Pakainin ninyo ako ng pasas at mansanas upang akoʼy muling lumakas, sapagkat nanghina ako dahil sa pag-ibig.

6Ulo koʼy nakaunan sa kaliwa niyang bisig at ang kanang kamay naman niya ay nakayakap sa akin.

7Kaya kayong mga dalaga ng Jerusalem, mangako kayo sa pamamagitan ng mga batang usa at gasela, na hindi ninyo hahayaang ang pag-ibig ay umusbong hanggaʼt hindi pa dumarating ang tamang panahon.

8Ayan na! Naririnig ko nang paparating ang aking mahal. Dumarating siyang patalon-talon na parang usa sa mga bundok at burol.

9Ang aking minamahal ay tulad ng batang usa. Tingnan ninyo! Naroon siyaʼt nakatayo sa likod ng pader, nakamasid sa may bintana, dumudungaw sa kurtina.

10Sinabi niya sa akin, “Halika na irog kong maganda at sa akin ay sumáma ka.

11Tapos na ang panahon ng taglamig at tag-ulan.

12Namumukadkad na ang mga bulaklak sa parang, panahon na ng pag-aawitan at maririnig na rin ang huni ng mga kalapati sa kabukiran.

13Ang mga bunga ng igos ay hinog na at humahalimuyak ang bulaklak ng mga ubas. Halika na irog kong maganda, sa akin ay sumáma ka na.”

14Aking kalapating nagtatago sa mga bitak ng malaking bato, sa mga taguan sa bangin. Ipakita mo sa akin ang iyong mukha, at iparinig din ang iyong tinig, dahil napakalambing ng tinig mo, at napakaganda ng mukha mo.

15Bilis! Hulihin ang mga asong-gubat na sumisira ng aming mga ubasang namumulaklak.

16Akin lang ang mahal ko, at ako naman ay kanya lang. Nagpapastol siya sa gitna ng mga liryo.

17Bago magbukang-liwayway at magliwanag, magbalik ka, mahal ko. Tumakbo ka na kasimbilis ng batang usa o gasela sa kabundukan.

Biblica® Open Tagalog Contemporary Bible™ (Ang Salita ng Diyos) © Biblica, Inc. Licensed CC BY-SA 4.0. “Biblica” is a trademark registered in the United States Patent and Trademark Office by Biblica, Inc.