Ang Awit 8

1Kung naging kapatid lamang sana kita, na pinasuso ng aking ina, hahalikan kita saanman tayo magkita, at hindi nila ako pag-iisipan ng masama.

2Dadalhin kita sa bahay ng aking ina, kung saan akoʼy tinuruan niya. Paiinumin kita ng mabangong alak na mula sa katas ng aking mga pomegranata.

3Nasa ilalim ng ulo ko ang kaliwang bisig mo, at ang kanang bisig mo namaʼy niyayakap ako.

4Kayong mga babae ng Jerusalem, mangako kayo na hindi ninyo hahayaan na ang pag-ibig ay umusbong hanggaʼt hindi pa dumarating ang tamang panahon.

5Sino kaya itong dumarating mula sa ilang na nakahilig sa kanyang minamahal? Ginising ko ang iyong damdamin, doon sa ilalim ng puno ng mansanas, kung saan ka isinilang.

6Iukit mo ang pangalan ko sa puso mo upang patunayan na ako lamang ang mahal mo. At ako lamang ang yayakapin ng mga bisig mo. Makapangyarihan ang pag-ibig gaya ng kamatayan; maging ang pagnanasa ay hindi mapipigilan. Ang pag-ibig ay parang lumiliyab at lumalagablab na apoy.

7Kahit laksa-laksang tubig, hindi ito mapipigilan. Sinumang magtangkang bilhin ito kahit ng lahat niyang yaman ay baka malagay lamang sa kahihiyan.

8May kapatid kaming dalagita, at ang kanyang dibdib ay hindi pa nababakas. Ano ang aming gagawin sa araw na siyaʼy ipagkasundo upang ikasal?

9Siya ba ay tulad ng isang pader? Magtatayo kami ng mga tore ng pilak sa ibabaw niya. Siya ba ay tulad ng isang pinto? Babarikadahan namin siya ng tablang sedro.

10Ako ngaʼy isang pader, at ang dibdib koʼy parang mga tore. Kaya sa paningin ng aking mahal pinapanatag ko siya.

11May ubasan si Solomon sa Baal-hamon na kanyang pinauupahan sa mga magsasaka roon. Bawat isa sa kanilaʼy nagbibigay sa kanya ng isang libong piraso ng pilak bilang parte niya sa ubasan.

12Ikaw ang bahala Solomon, kung ang parte mo ay isang libong piraso ng pilak at ang parte ng mga magsasaka ay dalawandaang piraso ng pilak. Ngunit ako na ang bahala sa sarili kong ubasan.

13O irog kong namamasyal sa hardin, mabuti pa ang mga kaibigan mo, naririnig nila ang iyong tinig. Iparinig mo rin ito sa akin.

14Halika, aking mahal. Tumakbo ka nang mabilis gaya ng usa sa kabundukan na punong-puno ng mga halamang ginagawang pabango.

Biblica® Open Tagalog Contemporary Bible™ (Ang Salita ng Diyos) © Biblica, Inc. Licensed CC BY-SA 4.0. “Biblica” is a trademark registered in the United States Patent and Trademark Office by Biblica, Inc.