Ang Awit 7

1O babaeng maharlika, napakaganda ng nakasandalyas mong mga paa. Ang hugis ng iyong mga hita ay tulad ng mga alahas na gawa ng isang bihasa.

2Ang pusod moʼy kasimbilog ng kopa na hindi nauubusan ng hinalong alak. Ang baywang moʼy bigkis ng trigo na napapalibutan ng liryo.

3Ang dibdib moʼy tila kambal na batang usa.

4Ang leeg moʼy parang tore na gawa sa pangil ng elepante. Ang mga mata moʼy kasinlinaw ng batis sa Hesbon, malapit sa pintuang-bayan ng Bet-rabim. Ang ilong moʼy kasingganda ng tore ng Lebanon na nakaharap sa Damasco.

5Ang ulo moʼy kasingganda ng Bundok ng Carmel. Ang buhok moʼy kasingkintab ng mga maharlikang kasuotan at ang hariʼy nabihag sa taglay nitong kagandahan.

6O napakaganda mo, aking sinta, umaapaw ka sa kariktan.

7Ang tindig moʼy parang puno ng palma at ang dibdib moʼy parang kumpol ng mga bunga nito.

8At aking sinabi, “Aakyatin ko ang palma at hahawak sa kanyang mga bunga.” Ang iyong dibdib ay tulad ng mga kumpol ng ubas at ang samyo ng iyong hininga ay kasimbango ng mansanas.

9Ang halik moʼy kasintamis ng pinakamasarap na alak, na dahan-dahang dumadaloy sa mga labi at ngipin.

10Ako ay sa kanya lamang, at ako lamang ang kanyang inaasam.

11Halika mahal ko, pumunta tayo sa bukid at doon magpalipas ng gabi, sa tabi ng mga bulaklak ng henna.

12Maaga tayong gumising at ating tingnan kung namulaklak at namunga na ang ubasan. Tingnan din natin kung namumukadkad na ang mga pomegranata. At doon, ipadarama ko sa iyo ang aking pagmamahal.

13Maaamoy mo ang bango ng mandragora, at malapit sa ating pintuan ay may mga piling hain na prutas, luma at bago. Sapagkat ang mga itoʼy sadyang inihanda ko para sa iyo, aking mahal.

Biblica® Open Tagalog Contemporary Bible™ (Ang Salita ng Diyos) © Biblica, Inc. Licensed CC BY-SA 4.0. “Biblica” is a trademark registered in the United States Patent and Trademark Office by Biblica, Inc.