1O babaeng pinakamaganda, nasaan na ang iyong mahal? Saan siya nagpunta upang matulungan ka naming hanapin siya?
2Ang aking mahal ay nagpunta sa kanyang hardin, sa taniman ng mga halaman na ginagawang pabango, upang dooʼy mamasyal at manguha ng mga liryo.
3Akoʼy sa aking mahal, at ang mahal ko naman ay sa akin lang. Nagpapastol siya sa gitna ng mga liryo.
4O napakaganda mo, irog ko. Kasingganda ka ng lungsod ng Tirza at kabigha-bighani gaya ng Jerusalem. Kamangha-mangha ka gaya ng mga kawal na may dalang mga bandila.
5Huwag mo akong titigan sapagkat akoʼy naguguluhan. Ang buhok moʼy parang kawan ng kambing na bumababa sa Bundok ng Gilead.
6Ang mga ngipin moʼy kasimputi ng kawan ng tupang bagong paligo. Buong-buo at maganda ang pagkakahanay nito.
7Mamula-mula ang noo mong natatakpan ng belo, tulad ng bunga ng pomegranata.
8Kahit na akoʼy may animnapung asawang reyna, walumpung asawang alipin, at hindi mabilang na mga dalaga,
9nag-iisa lamang ang aking sinisinta. Ang aking kalapati ay walang kapintasan, nag-iisa at itinatanging anak na babae ng kanyang ina. Ang mga babaeng nakakakita sa kanya ay hindi mapigilang purihin siya. Kahit na ang mga asawang reyna at asawang alipin ay humahanga sa kanya.
10Sino ba itong dumarating na tulad ng bukang-liwayway, singganda ng buwan, singliwanag ng araw, at kamangha-manghang tulad ng mga pumaparadang bituin?
11Pumunta ako sa taniman ng almendra upang tingnan ang mga bagong tanim na sumibol sa may lambak, at upang tingnan na rin kung umuusbong na ang mga ubas at kung ang mga pomegranata ay namumulaklak na.
12Hindi ko namalayan, ako palaʼy nandoon na sa maharlikang higaan kasama ang aking mahal.
13Bumalik ka, dalagang taga-Shulam, bumalik ka upang ikaw ay aming pagmasdan. Bakit gusto ninyong pagmasdan ang dalaga ng Shulam na sumasayaw sa gitna ng mga manonood?