Ang Awit 4

1Napakaganda mo, O irog ko. Ang mga mata mong natatakpan ng belo ay parang mga mata ng kalapati. Ang buhok moʼy parang kawan ng kambing na pababa sa Bundok ng Gilead.

2Ang mga ngipin moʼy kasimputi ng kawan ng tupang bagong gupit at napaliguan. May kakambal ang bawat isa, at walang nawawala sa pagkakahanay nila.

3Ang mga labi moʼy parang pulang laso, tunay ngang napakaganda. Ang mga pisngi mong natatakpan ng beloʼy mamula-mula na parang bunga ng pomegranata.

4Ang leeg moʼy kasingganda ng tore ni David. Napapalamutian ng kuwintas na tila isang libong kalasag ng mga kawal.

5Ang dibdib moʼy kasintikas ng tindig ng kambal na batang usa na nanginginain sa gitna ng mga liryo.

6Bago magbukang-liwayway at bago mawala ang dilim, ako ay tutungo sa bundok na pinabango ng mira, sa burol na pinabango ng insenso.

7O irog ko, ang lahat sa iyoʼy maganda. Walang maipipintas sa iyo.

8Sumama ka sa akin, O aking magiging kabiyak, sumáma ka mula sa Lebanon. Bumaba tayo mula sa tuktok ng bundok Amana, mula sa itaas ng bundok Senir, sa pinakatugatog ng bundok Hermon mula sa kuweba ng mga leon at sa kabundukang puno ng mga leopardo.

9Ang puso koʼy nabihag mo, o irog ko na aking magiging kabiyak. Ang puso koʼy nabihag mo sa isang sulyap ng iyong mga mata at sa isang hiyas ng iyong kuwintas.

10Ang pag-ibig mo aking irog ay walang kasintamis. O aking magiging kabiyak, higit pa ito kaysa sa masarap na inumin. Ang samyo ng iyong pabangoʼy mas mabango kaysa sa lahat ng pabango.

11Ang mga labi mo, aking magiging kabiyak ay kasintamis ng pulot. Ang dila moʼy tila may gatas at pulot. At ang damit moʼy kasimbango ng mga puno ng sedro sa Lebanon.

12O irog ko, aking magiging kabiyak, tulad ka ng isang halamanan na may bukal at nababakuran.

13Ang mga halaman ay namumunga, isang hardin na puno ng pomegranata at iba pang mga piling bunga, tulad ng halamang nardo at henna.

14Maliban sa nardo, may safron, kalamo at sinamon, maging ang mga puno ng ibaʼt ibang klaseng insenso, tulad ng mira at aloe at iba pang mamahaling pabango.

15Tulad ka ng isang bukal sa hardin, isang balon na dumadaloy, at umaagos pababa mula sa Lebanon.

16Bumangon ka, hanging amihan, at pumarito ka, hanging habagat. Umihip kayo sa aking hardin upang kumalat ang bango nito. Papuntahin ang aking mahal sa kanyang hardin upang ang mga piling bunga nito ay kainin.

Biblica® Open Tagalog Contemporary Bible™ (Ang Salita ng Diyos) © Biblica, Inc. Licensed CC BY-SA 4.0. “Biblica” is a trademark registered in the United States Patent and Trademark Office by Biblica, Inc.