1Nasa hardin ako ngayon, aking irog na magiging kabiyak ko. Nanguha ako ng mira at mga pabango. Kinain ko ang aking pulot at ininom ang aking alak at gatas. Kayong mga nagmamahalan, kumain kayo at uminom.
2Habang akoʼy natutulog, nanaginip ako. Narinig kong kumakatok ang mahal ko. Ang sabi niya, “Papasukin mo ako, irog ko. Basang-basa na ng hamog ang ulo ko.”
3Hinubad ko na ang aking damit, isusuot ko pa ba itong muli? Hinugasan ko na ang aking mga paa, dudumihan ko pa ba itong muli?
4Nang ipasok ng aking mahal ang kanyang kamay sa tarangkahan, nanabik sa kanya ang aking puso.
5Akoʼy bumangon upang ang aking sintaʼy papasukin. Basang-basa ng pabango ang mga kamay ko, tumutulo ang mira sa daliri ko sa tarangkahan ng pinto.
6Binuksan ko ang pinto para sa aking mahal, ngunit wala na siya. Hinanap ko siya, ngunit hindi ko siya makita. Tinawag ko siya, ngunit walang sumagot.
7Nakita ako ng mga guwardiya na naglilibot sa lungsod. Pinalo nila ako, at akoʼy nasugatan. Kinuha pa nila ang aking damit.
8Kayong mga babae ng Jerusalem, mangako kayo sa akin! Kapag nakita ninyo ang aking mahal, sabihin ninyo sa kanyang nanghihina ako dahil sa pag-ibig.
9O babaeng pinakamaganda, ano baʼng mayroon sa iyong minamahal na wala sa iba, at kami ay iyong pinasusumpa pa? Siya baʼy talagang nakakahigit sa iba?
10Ang aking mahal ay maningning at ang kutis niyaʼy mamula-mula. Sa sampung libong lalaki ay nakahihigit siya.
11Ang ulo niyaʼy parang pinakapurong ginto. Buhok niyaʼy kulot at kasing-itim ng uwak.
12Mga mata niyaʼy kumikinang tulad ng kalapati sa tabi ng batis, parang itong hinugasan ng gatas at nakakabit na parang hiyas.
13Ang mga pisngi niyaʼy kasimbango ng mga harding punong-puno ng mga halamang ginagawang pabango. Ang mga labi niyaʼy parang mga liryo na tumutulo ng mira.
14Mga bisig niyaʼy tila mahahabang bareta ng ginto na napapalamutian ng mamahaling bato. Katawaʼy tila pangil ng elepante, makinang at napapalamutian ng mga batong safiro.
15Mga paa niyaʼy tulad ng mga haliging marmol na nakatayo sa pundasyong ginto. Napakaganda niyang pagmasdan, tulad ng mga puno ng sedro sa Lebanon.
16Kay tamis halikan ang kanyang bibig. Tunay ngang siyaʼy kaakit-akit. O mga babae ng Jerusalem, siya ang aking mahal, ang aking iniibig.