Mga Kawikaan 23

1Kapag kumakain ka kasalo ng taong may mataas na katungkulan, mag-ingat ka sa ikikilos mo.

2Kung palakain ka, pigilan mo ang iyong sarili.

3Huwag mong pagnasaan ang mga pagkaing kanyang inihanda, dahil inihain iyon upang linlangin ka.

4Huwag mong pahirapan ang sarili mo sa pagpapayaman. Maging matalino ka at ang sarili ay pigilan.

5Dahil ang kayamanan ay madaling mawala at tila may pakpak na lumilipad sa kalawakan tulad ng isang agila.

6Huwag kang kumain o matakam sa pagkain na inihanda ng taong kuripot, kahit ito ay masarap.

7Sapagkat ang taong ganyan bawat subo moʼy binabantayan. Sasabihin niya, “Sige, kumain ka pa.” Ngunit hindi pala ganoon ang nasa isip niya.

8Kaya lahat ng kinain moʼy isusuka mo at ang mga papuri mo sa kanya ay mababalewala.

9Huwag kang magsasalita sa hangal, sapagkat ang sasabihin mong karunungan sa kanya ay wala ring kabuluhan.

10Huwag mong agawin o sakupin ang lupa ng mga ulila sa pamamagitan ng paglilipat ng mga muhon na matagal nang nakalagay.

11Sapagkat ang kanilang makapangyarihang tagapagtanggol ay ang Panginoon. Siya ang magtatanggol sa kanila laban sa iyo.

12Makinig ka kapag itinutuwid ang iyong pag-uugali upang ikaw ay matuto.

13Huwag kang magpapabaya sa pagdidisiplina sa iyong anak.

14Ang tamang pagpalo ay hindi niya ikamamatay kundi makapagliligtas pa sa kanya sa kamatayan.

15Anak, kung may dunong ang iyong puso, ang puso koʼy magagalak din.

16Tunay ngang magagalak ang aking kalooban kung ang mga salitang lalabas sa labi moʼy mula sa karunungan.

17Huwag kang maiinggit sa mga makasalanan, sa halip igalang mo ang Panginoon habang nabubuhay ka.

18At kung magkagayon ay gaganda ang kinabukasan mo at mapapasaiyo ang mga hinahangad mo.

19Anak, pakinggan mo ang itinuturo ko sa iyo. Maging matalino ka at sundin mo ang tamang daan.

20Huwag kang makikisama sa mga hayok sa alak o sa mga matatakaw sa pagkain,

21sapagkat ang mga lasenggo at matatakaw ay hahantong sa kahirapan, at dahil tulog sila nang tulog, sa bandang huliʼy magdadamit sila ng basahan.

22Makinig ka sa iyong ama na pinanggalingan ng iyong buhay, at huwag mong hamakin ang iyong ina kapag siya ay matanda na.

23Pagsikapan mong mapasaiyo ang katotohanan, karunungan, magandang pag-uugali at pang-unawa. At huwag mo itong ipagpapalit sa anumang bagay.

24Matutuwa ang iyong mga magulang kung matuwid ka at matalino.

25Ikaliligaya nilang sila ang naging iyong ama at ina.

26Anak, makinig kang mabuti sa akin at tularan mo ang aking pamumuhay.

27Sapagkat ang babaeng bayaran ay isang malalim na hukay, at ang asawang nangangaliwa ay makitid na balon.

28Para siyang tulisan na nag-aabang ng mabibiktima, at siya ang dahilan ng pagtataksil ng maraming lalaki sa kanilang mga asawa.

29Sino ang may hinagpis? Sino ang may kalungkutan? Sino ang mahilig sa away? Sino ang mareklamo? Sino ang nasugatan na dapat sana ay naiwasan? At sino ang may mga matang namumula?

30Sino pa kundi ang mga lasenggong sugapa sa ibaʼt ibang klase ng alak!

31Huwag kang matakam sa alak na napakagandang tingnan sa isang baso at tila masarap ang pasok sa lalamunan.

32Sa bandang huli, kapag ikaw ay nalasing na, parang natuklaw ka ng ulupong, at nalason ng kamandag nito.

33Kung anu-ano ang makikita mo at hindi ka makakapag-isip ng mabuti.

34Pakiramdam moʼy nasa gitna ka ng dagat at nakahiga sa ibabaw ng palo ng barko.

35Sasabihin mo, “May humampas at sumuntok sa akin, ngunit hindi ko naramdaman. Kailan kaya mawawala ang pagkalasing ko upang muli akong makainom?”

Biblica® Open Tagalog Contemporary Bible™ (Ang Salita ng Diyos) © Biblica, Inc. Licensed CC BY-SA 4.0. “Biblica” is a trademark registered in the United States Patent and Trademark Office by Biblica, Inc.