1Anak, pakinggan mong mabuti ang mga sasabihin kong may karunungan,
2upang malaman mo ang pagpapasya ng tama at matuto ka ring magsalita nang may karunungan.
3Ang salita ng masamang babae ay kasintamis ng pulot at banayad tulad ng langis.
4Ngunit pagkatapos ay pait at sakit ang iyong makakamit na para bang sugat na mula sa espadang magkabila ang talim.
5Kung susunod ka sa kanya, dadalhin ka niya sa kapahamakan, sapagkat ang nilalakaran niya ay patungo sa kamatayan.
6Hindi niya pinapansin ang daan patungo sa buhay. Ang dinadaanan niyaʼy liku-liko at hindi niya ito nalalaman.
7Kaya mga anak, pakinggan ninyo ako at sundin.
8Lumayo kayo sa babaeng masama, at huwag kayong lumapit sa pintuan ng kanyang bahay.
9Dahil baka masira ang inyong dangal at mapunta sa iba, at mamatay kayo sa kamay ng mga taong walang awa.
10At ang lahat ng kayamanan ninyo at ang inyong mga pinagpaguran ay mapupunta sa iba, sa mga taong hindi ninyo kilala.
11Saka kayo mananangis kapag malapit na kayong mamatay, kapag butoʼt balat na lamang at wala nang lakas.
12Saka ninyo sasabihin, “Sayang hindi ko kasi pinansin ang mga pagtutuwid sa akin; nagmatigas ako at sinunod ang gusto ko.
13Hindi ako nakinig sa aking mga guro, at hindi nagbigay-pansin sa aking mga tagapayo.
14Kaya ngayon, narito ako sa gitna ng kapahamakan at kahihiyan.”
15Ang asawa mo lamang ang dapat mong sipingan. Ika nga, inumin mo lamang ang tubig sa sarili mong balon.
16Huwag kang sisiping sa kung kani-kanino diyan. Kung baga, huwag mong ikalat ang iyong tubig sa lansangan.
17Ang tubig sa iyong balon ay para lamang sa iyong asawa at hindi ibinabahagi sa iba.
18Pagpalain sana ang iyong asawa. Maging maligaya ka sa kanya, na napangasawa mo noong kayoʼy mga bata pa.
19Maganda siya at kaakit-akit gaya ng usa. Lagi ka sanang masisiyahan sa kanyang dibdib, at aakitin parati ng kanyang pag-ibig.
20Anak, bakit ka paaakit sa babaeng mahalay? Bakit mo yayakapin ang dibdib niya?
21Sapagkat nakikita ng Panginoon ang lahat ng iyong ginagawa; saan ka man naroroon, tinitingnan ka niya.
22Ang masasamang tao ay bihag ng kanilang kasamaan; para itong bitag na huhuli sa kanila.
23Mamamatay sila dahil wala silang disiplina; silaʼy iniligaw ng kahangalan nila.