1Mas mabuti pa ang mahirap na namumuhay nang matuwid kaysa sa hangal na sinungaling.
2Maging masigasig ka man ngunit walang nalalaman, wala rin itong kabuluhan. Kapag ikaw naman ay pabigla-bigla madali kang magkakasala.
3Kamangmangan ng tao ang nagpapahamak sa kanyang sarili, at pagkatapos sa Panginoon ibinabaling ang sisi.
4Ang mayaman ay maraming kaibigan, ngunit ang mahirap namaʼy iniiwanan ng kaibigan.
5Ang saksing sinungaling ay parurusahan, at ang nagsisinungaling ay hindi makakatakas sa kaparusahan.
6Marami ang lumalapit sa pinunong mabait, at sa mapagbigay ang lahat ay nakikipagkaibigan.
7Ang mahihirap ay iniiwasan ng mga kamag-anak, at lalo na ng mga kaibigan. Kapag sila ay kailangan, hindi sila matagpuan.
8Ang taong nagsisikap na magkaroon ng karunungan ay nagmamahal sa sarili, at ang nagpapahalaga sa pang-unawa ay uunlad.
9Ang hindi tapat na saksi ay parurusahan, at ang sinumang nagsisinungaling ay mapapahamak.
10Hindi bagay sa taong mangmang ang mamuhay sa karangyaan, at mas lalong hindi bagay sa isang alipin ang mamuno sa mga pinuno.
11Ang karunungan ng isang tao ay nagbubunga ng kahinahunan; ang pagbabalewala sa kasalanan ng iba ay karangalan niya.
12Ang galit ng hari ay parang atungal ng leon, ngunit ang kanyang kabutihan ay tulad ng hamog na bumabasa sa mga halaman.
13Ang anak na hangal ay kapahamakan sa kanyang ama. Ang bungangerang asawa ay tulad ng tulo na walang tigil.
14Bahay at kayamanan sa magulang ay namamana, ngunit ang Panginoon lang ang nagbibigay ng maalam na asawa.
15Kung ikaw ay tamad at tulog lang nang tulog, magugutom ka.
16Mabubuhay nang matagal ang taong sumusunod sa kautusan, ngunit ang suwail ay hahantong sa kamatayan.
17Ang tumutulong sa mahirap ay parang nagpapautang sa Panginoon, dahil ang Panginoon ang magbabayad sa kabutihang ginawa niya.
18Ituwid mo ang iyong anak habang may panahon pa. Kung hindi mo siya itutuwid, ikaw na rin ang nagpahamak sa kanya.
19Hayaan mong maparusahan ang taong magagalitin, dahil kapag tinulungan mo siya nang minsan, paulit-ulit mo lang siyang tutulungan.
20Dinggin mo at sundin ang mga payo at pagtutuwid sa iyong pag-uugali, at sa bandang huli ay magiging marunong ka.
21Marami tayong mga pinaplano, ngunit ang kalooban pa rin ng Panginoon ang masusunod.
22Ang gusto natin sa isang tao ay matapat. Mas mabuti pang maging mahirap kaysa maging sinungaling.
23Ang pagkatakot sa Panginoon ay magdudulot ng mahabang buhay, kasapatan, at kaligtasan sa kapahamakan.
24May mga taong sobrang batugan na kahit ang kumain ay kinatatamaran.
25Parusahan mo ang mapanuya upang matutong mag-ingat ang wala sa katinuan. Pagsabihan mo ang may unawa at lalo siyang magiging marunong.
26Sinumang nagmamalupit sa kanyang ama o di kayaʼy nagpapalayas sa kanyang ina ay isang anak na sumisira sa kanyang pangalan at nagdudulot ng kahihiyan sa bayan.
27Anak, kung hindi ka makikinig sa mga pangaral upang maituwid ang iyong pag-uugali, tinatanggihan mo ang mga turo na nagbibigay ng karunungan.
28Ang saksing sinungaling ay humahamak sa katarungan, at ang bibig ng masama ay lumalamon ng kasamaan.
29Sa mga mapanuya ay may hatol na nakalaan, at hagupit naman ang nakahanda para sa mga hangal.