1Narito pa ang ilang kawikaan ni Solomon na kinopya ng mga tauhan ni Haring Ezequias ng Juda.
2Karangalan ng Diyos na ilihim ang isang bagay, at karangalan naman ng hari na tuklasin ang isang bagay.
3Kung gaano kataas ang langit at kalalim ang lupa, ganoon din ang puso ng hari na hindi kayang saliksikin.
4Ang dumi sa pilak ay tanggalin upang ang panday ay magawa itong gamitin.
5Kailangang alisin ang masasamang tauhan ng hari upang magpatuloy ang katuwiran sa kanyang kaharian.
6Kung nasa harapan ka ng hari, huwag mong ipagyabang ang iyong sarili o di kayaʼy ilugar ang sarili sa mga dakilang nanunungkulan.
7Mas mabuti kung siya ang magsabi, “Halika dito sa aking tabi,” kaysa ipahiya ka sa harap ng mga maharlika.
8Huwag kang magpabigla-biglang magsabi sa korte ng iyong nakita. Kung mapatunayan ng isang saksi na mali ka, ano na lang ang gagawin mo?
9Kung may alitan kayo ng iyong kapwa, itoʼy inyong pag-usapan muna. At ang lihim ng bawat isa ay huwag sasabihin sa iba.
10Baka makarating sa kaalaman ng madla at kayoʼy maging kahiya-hiya.
11Kapag ang salitang binigkas ay angkop sa pagkakataon, itoʼy parang gintong mansanas na nakalagay sa isang lalagyang pilak.
12Tulad ng gintong hikaw o mamahaling hiyas na ginto ang pagsaway ng matalino sa nakikinig na tao.
13Ang mapagkakatiwalaang sugo ay nagbibigay ng kasiyahan sa kanyang pinaglilingkuran, tulad ng malamig na tubig sa panahon ng tag-init.
14Ang taong hindi tumutupad sa kanyang pangako ay parang ulap at hangin na walang dalang ulan.
15Ang mapagpasensya at ang mahinahon magsalita ay makapanghihikayat ng mga pinuno at kahit na ng may matitigas na puso.
16Huwag kang kakain ng labis na pulot at baka magsuka ka.
17Huwag kang dadalaw ng madalas sa iyong kapitbahay, baka magalit siya at sa iyo ay magsawa.
18Ang taong sumasaksi sa kasinungalingan laban sa kanyang kapwa ay nakakapinsala tulad ng espada, pamalo at pana.
19Ang pagtitiwala sa taong hindi mapagkakatiwalaan sa oras ng pangangailangan ay walang kuwenta tulad ng paang pilay o ngiping umuuga.
20Kung aawitan mo ng masasayang himig ang taong labis ang hinagpis, para mong binuhusan ng suka ang kanyang sugat, o di kayaʼy inalisan siya ng balabal sa taglamig.
21Kapag nagugutom ang iyong kaaway, pakainin mo; kapag nauuhaw, painumin mo.
22Kapag ginawa mo ito mahihiya siya sa iyo at ang Panginoon ang magpapala sa iyo.
23Kung paanong ang hanging habagat ay nagdadala ng ulan, nagdadala naman ng galit ang naninira ng kapwa.
24Mas mabuting tumira nang mag-isa sa bubungan ng bahay kaysa sa loob ng bahay na kasama ang asawang palaaway.
25Ang magandang balita mula sa malayong lugar ay parang malamig na tubig sa taong nauuhaw.
26Ang matuwid na umaayon sa gawain ng masamang tao ay parang maruming balon at malabong bukal.
27Kung paanong masama ang pagkain ng labis na pulot, ganoon din ang paghahangad ng sariling kapurihan.
28Ang taong walang pagpipigil sa sarili ay tulad ng isang bayan na nasira ang pader.