1Anak, sundin mo ang mga sinasabi ko sa iyo. Itanim mo ito sa iyong isipan at
2sundin ang mga iniuutos ko, upang humaba ang buhay mo. Ingatan mong mabuti ang mga itinuturo ko katulad ng pag-iingat mo sa iyong mga mata.
3Itanim mo sa iyong isipan upang hindi mo makalimutan.
4Ituring mong kapatid na babae ang karunungan at ang pang-unawa gaya ng isang malapít na kaibigan.
5Sapagkat ilalayo ka nila sa masamang babaeng nakakaakit ang pananalita.
6Sa bintana ng aking bahay dumungaw ako sa kurtina.
7Nakita ko ang mga kabataang lalaki na wala pang muwang sa buhay. Isa sa kanila ay salat sa karunungan.
8Lumalakad siya patungo sa kanto kung saan naroroon ang bahay ng isang masamang babae.
9Takip-silim na noon at malapit nang dumilim.
10Sinalubong siya ng isang babaeng ang suot ay katulad ng suot ng isang babaeng bayaran. Nakapagplano na siya ng gagawin sa lalaking iyon.
11Maingay siya at hindi mahiyain. Hindi siya nananatili sa bahay.
12Madalas siyang makita sa mga lansangan, sa mga liwasan, at sa mga kantong tambayan.
13Paglapit ng lalaki ay agad niya itong hinalikan at walang hiya-hiyang sinabi:
14“Katatapos ko lang tuparin ang panata ko sa Diyos at may natira pang pagkain doon sa bahay mula sa aking handog pangkapayapaan.
15Kaya akoʼy lumabas upang sa iyoʼy makipagkita. Hinanap kita at sa wakas ay natagpuan din kita.
16Sinapinan ko na ang aking higaan ng makulay na telang lino mula pa sa Ehipto.
17Nilagyan ko iyon ng pabangong mira, aloe, at sinamon.
18Kaya halika na, doon tayo magpakaligaya hanggang umaga,
19dahil wala rito ang aking asawa. Naglakbay siya sa malayo.
20Marami siyang dalang pera at dalawang linggo pa bago siya bumalik.”
21Kaya naakit niya ang lalaki sa pamamagitan ng kanyang matatamis at nakakaakit na pananalita.
22Sumunod agad ang lalaki na tulad ng bakang hinihila papunta sa katayan, o tulad ng isang usa na patungo sa bitag,
23at dooʼy papanain siyang tatagos sa kanyang puso. Para din siyang isang ibong nagmamadali papunta sa bitag ng kamatayan, ngunit hindi niya ito nalalaman.
24Kaya mga anak, pakinggan ninyong mabuti ang aking mga sinasabi.
25Huwag kayong paaakit sa ganyang uri ng babae at huwag ninyong hayaan na kayoʼy kanyang iligaw.
26Marami na ang mga lalaking napahamak dahil sa kanya.
27Kapag pumunta kayo sa bahay niya, para na rin kayong pumunta sa mundo ng mga patay.