Mga Kawikaan 26

1Kung paanong hindi nababagay na mag-nyebe sa tag-araw at umulan sa panahon ng tag-ani, hindi rin nababagay na parangalan ang taong hangal.

2Ang sumpa ay hindi tatalab sa walang kasalanan. Tulad ito ng ibong hindi dumadapo at lilipad-lipad lamang.

3Kailangan ang latigo para sa kabayo, bokado para sa asno, at pamalo para sa hangal na tao.

4Huwag mong sagutin ang hangal kung nakikipag-usap siya sa iyo ng kahangalan, at baka matulad ka rin sa kanya.

5Sagutin mo ang hangal ayon sa kanyang kahangalan para hindi niya akalaing siyaʼy matalino.

6Kapag nagpadala ka ng mensahe sa pamamagitan ng isang mangmang, para mo na ring pinutol ang iyong mga paa, at para ka na ring gumawa ng sariling kapahamakan.

7Tulad ng walang silbing mga paa ng isang lumpo ang kawikaang sinasabi ng isang hangal.

8Ang pagpaparangal sa isang hangal ay parang batong nakatali sa tirador.

9Ang kawikaan sa bibig ng isang hangal ay walang silbi katulad ng tinik sa kamay ng isang lasing.

10Kahangalan ang pumana ng kahit sino; gayon din ang pagkuha sa hangal o sa sinumang dumadaan upang upahan.

11Inuulit ng hangal ang kanyang kahangalan, tulad ng asong binabalikan ang kanyang suka upang kainin.

12Mas mabuti pa ang hinaharap ng isang taong mangmang kaysa sa taong nagmamarunong.

13Ang batugan ay hindi lumalabas ng tahanan, ang kanyang dahilan ay may leon sa lansangan.

14Gaya ng pintuang pumipihit sa bisagra ang batugan na papihit-pihit sa kanyang kama.

15May mga taong sobrang tamad na kahit ang kumain ay kinatatamaran.

16Ang akala ng batugan mas marunong pa siya kaysa sa pitong tao na tamang mangatuwiran.

17Mapanganib ang nanghihimasok sa gulo ng may gulo, ito ay tulad ng pagdakma sa tainga ng aso.

18Ang taong nandaraya sa kanyang kapwa at saka sasabihing, “Nagbibiro lamang ako,” ay tulad ng isang baliw na pumapana sa mga tao gamit ang kanyang umaapoy at nakamamatay na palaso.

20Namamatay ang apoy kung ubos na ang panggatong, natitigil ang away kung wala nang tsismisan.

21Kung uling ang nagpapabaga at kahoy ang nagpapaliyab ng apoy, ang taong palaaway naman ang nagpapasimula ng gulo.

22Ang tsismis ay parang pagkaing masarap nguyain at lunukin; at nakakarating sa kaloob-looban ng tao.

23Maaaring itago ng magandang pananalita ang masamang isipan, tulad nito ay mumurahing banga na pininturahan ng pilak.

24Maaaring ang kaaway ay magandang magsalita, ngunit ang nasa isip niya ay makapandaya.

25Kahit masarap pakinggan ang kanyang pananalita ay huwag kang maniwala, sapagkat ang iniisip niya ay napakasamâ.

26Maaaring ang galit ay kanyang maitago, ngunit malalantad din sa karamihan ang masama niyang gawa.

27Ang humuhukay ng patibong ay siya rin ang mahuhulog doon. Ang nagpapagulong ng malaking bato ay siya rin ang magugulungan nito.

28Ang sinungaling ay nagagalit sa nabiktima niya ng kasinungalingan, at ang taong nambobola ay ipapahamak ka.

Biblica® Open Tagalog Contemporary Bible™ (Ang Salita ng Diyos) © Biblica, Inc. Licensed CC BY-SA 4.0. “Biblica” is a trademark registered in the United States Patent and Trademark Office by Biblica, Inc.