1Huwag kang mainggit sa mga taong masama o hangarin mang makipagkaibigan sa kanila.
2Sapagkat ang iniisip nila at sinasabi ay para sa kapahamakan ng iba.
3Sa pamamagitan ng iyong husay, maitatayo mo at mapapaunlad ang iyong tahanan. Mapupuno rin ito ng mahahalagang kayamanan.
5Ang taong marunong ay malaki ang maitutulong upang lalong lumakas ang mga nakikipaglaban,
6sapagkat kailangan nila ng mga payo sa pakikipaglaban. At higit na matitiyak ang tagumpay kung maraming nagpapayo.
7Ang karunungan ay hindi maunawaan ng mangmang. Wala siyang masabi kapag mahahalagang bagay ang pinag-uusapan.
8Ang taong laging nagpaplano ng masama ay kikilalaning may pakana ng kasamaan.
9Anumang pakana ng hangal ay kasalanan, at kinasusuklaman ng mga tao ang sinumang nangungutya.
10Kapag ikaw ay pinanghihinaan ng loob sa panahon ng kahirapan, kay liit naman ng iyong lakas!
11Sagipin mo ang mga taong patungo sa kanilang kamatayan; iligtas mo silang mga patungo sa kanilang kapahamakan.
12Kapag sinabi mong, “Hindi namin alam ʼyan,” hindi baʼt alam ito ng Diyos na sumisiyasat sa puso? Siya ang nagbabantay sa iyong buhay, hindi ba niya nalalaman ito? Gagantimpalaan niya ang lahat ayon sa kanilang mga ginawa.
13Anak, kumain ka ng pulot sapagkat mabuti ito sa iyo, ang pulot mula sa pulot-pukyutan ay matamis sa iyong panlasa.
14Sapagkat kung marunong ka, mapapabuti ang iyong kinabukasan at mapapasaiyo ang iyong mga hinahangad.
15Huwag kang tumambang na parang magnanakaw sa bahay ng matuwid, huwag mong pagnakawan ang kanilang tahanan.
16Ang taong matuwid, mabuwal man ng pitong ulit ay tiyak na makakabangon ulit. Hindi tulad ng taong masama na kapag nabuwal ay hindi na makakabangon pa.
17Huwag kang magdiwang kapag bumagsak ang iyong kaaway, o di kayaʼy magalak sa kanilang pagkakadapa,
18dahil kapag nakita ng Panginoon na ikaʼy nasisiyahan, hindi niya ito magugustuhan, at ang iyong kaaway ay hindi na niya parurusahan.
19Huwag kang mabalisa o mainggit sa mga taong masasama,
20sapagkat wala silang mabuting kinabukasan at magiging tulad sila ng ilaw na namatay.
21Anak, matakot ka sa Panginoon at sa hari. Huwag kang makisama sa mga taong sumusuway sa kanila,
22sapagkat hindi mo alam kung anong kapahamakan ang biglang ibibigay ng Panginoon o ng hari sa kanila.
23Narito pa ang ilang kawikaan ng marurunong na tao: Hindi dapat magtangi ng tao sa paghatol ng katarungan.
24Kapag pinalaya mo ang taong may kasalanan, susumpain ka at kamumuhian ng mga tao.
25Ngunit kapag pinarusahan mo ang may kasalanan, matutuwa ang mga tao at pagpapalain ka.
26Ang matapat na sagot ay tulad ng halik ng pagkakaibigan.
27Ihanda mo muna ang iyong pagkakakitaan, tulad ng iyong bukid na taniman bago ka magtatag ng sariling tahanan.
28Huwag kang sasaksi sa iyong kapwa nang walang sapat na dahilan, o magsalita laban sa kanya ng kasinungalingan.
29Huwag mong sasabihin, “Gaganti ako. Gagawin ko sa kanya ang ginawa niya sa akin.”
30Dumaan ako sa bukid ng isang tamad doon sa ubasan ng isang walang muwang.
31Puno na ito ng mga damo at matitinik na halaman, at giba na ang mga bakod nito.
32Nang makita ko ito, napaisip ako nang mabuti, at natutunan ko ang aral na ito:
33Sa kaunting dagdag na tulog, sa kaunting pag-idlip, sa kaunting paghahalukipkip ng mga kamay para magpahinga,
34darating na parang magnanakaw ang kahirapan at ang kakulangan gaya ng pagsalakay ng tulisan.