1Ang karunungan ay katulad ng isang taong nagtayo ng kanyang bahay na may pitong haligi.
2Pagkatapos, nagdaos siya ng isang malaking piging. Naghanda siya ng mga pagkain at inumin.
3At inutusan niya ang kanyang mga katulong na babae na pumunta sa pinakamataas na lugar ng bayan upang manawagan:
4“Kayong mga walang muwang, halikayo sa aking tahanan!” Sinabi niya sa mga wala sa katinuan,
5“Pumarito kayo at kumain ng aking inihanda, uminom kayo ng alak na aking tinimpla.
6Iwanan na ninyo ang kawalang katinuan para kayoʼy mabuhay nang matagal at may pang-unawa.”
7Kung sasawayin mo ang taong nangungutya, iinsultuhin ka niya. Kung sasawayin mo ang taong masama, sasaktan ka niya.
8Kaya huwag mong sasawayin ang taong nangungutya, sapagkat magagalit siya sa iyo. Sawayin mo ang taong marunong at mamahalin ka niya.
9Kapag tinuruan mo ang isang taong marunong, lalo siyang magiging marunong. At kapag tinuruan mo ang isang taong matuwid, lalo pang lalawak ang kanyang kaalaman.
10Ang pagkatakot sa Panginoon ang simula ng karunungan. At ang pagkilala sa Banal na Diyos ay nagpapahiwatig ng pagkaunawa.
11Sa pamamagitan ng karunungan, hahaba ang iyong buhay.
12Kung may karunungan ka, magdudulot ito sa iyo ng kabutihan, ngunit magdurusa ka kung itoʼy iyong tatanggihan.
13Ang kamangmangan ay katulad ng isang babaeng maingay, hindi marunong at walang nalalaman.
14Nakaupo siya sa pintuan ng kanyang bahay o sa upuan sa mataas na lugar sa lungsod,
15at tinatawag ang mga dumadaan na papunta sa kanilang trabaho.
16Sabi niya, “Halikayo rito, kayong mga wala sa katinuan.” At sinabi pa niya sa walang pang-unawa,
17“Mas masarap ang tubig na ninakaw at mas masarap ang pagkain na kinakain ng lihim.”
18Ngunit hindi alam ng mga taong pumupunta sa kanya na sila ay mamamatay. Ang mga nakapunta na sa kanya ay naroon na sa libingan.