1Ang alak ay nagbubunga ng panunuya, inuming matapang na dulot ay kaguluhan, kaya ang taong naglalasing ay salat sa karunungan.
2Ang poot ng hari ay nakakasindak tulad ng atungal ng leon. Manganganib ang buhay ng gumagalit sa kanya.
3Ang pag-iwas sa gulo ay tanda ng karangalan; ang hangal lang ang may gusto ng kaguluhan.
4Ang taong tamad mag-araro sa panahon ng pagtatanim ay walang makukuha pagdating ng anihan.
5Ang isipan ng tao ay tulad ng tubig sa balong malalim, kaya itong igibin ng taong marunong.
6Marami ang nagsasabing sila ay tapat, ngunit ang totooʼy mahirap makahanap ng taong tunay na mapagkakatiwalaan?
7Ang taong matuwid ay walang kapintasan. Mapalad ang mga anak niya kung siya ang kanilang tinutularan.
8Kapag ang hari ay humahatol, tinitiyak muna niya kung sino ang gumawa ng masama.
9Sino ang makapagsasabing, “Napanatili kong malinis ang aking puso. Busilak ito at walang kasalanan.”
10Ang madadayang timbangan at sukatan, sa paningin ng Panginoon ay kasuklam-suklam.
11Ang mga ginagawa ng isang kabataan ay nagpapakita ng kanyang tunay na pag-uugali, kung siya ba ay matuwid o hindi.
12Ang taingang nakakarinig at matang nakakakita ay ang Panginoon ang siyang gumawa.
13Kung tulog ka nang tulog maghihirap ka, ngunit kung magsisikap ka, ang iyong pagkain ay sasagana.
14Pinipintasan ng mamimili ang kanyang binibili upang makatawad siya. Ngunit kung itoʼy nabili na ay ipinagyayabang pa.
15Marami ang ginto at mamahaling bato, ngunit iilan lamang ang nakapagsasalita nang may karunungan.
16Kung may taong nangako na babayaran niya sa iyo ang utang ng taong hindi niya kilala, tiyakin mong makakakuha ka sa kanya ng garantiya, upang makatiyak kang babayaran ka niya.
17Ang pagkaing nakuha sa pandaraya sa una ay matamis ang lasa, ngunit sa huli ay lasang buhangin na.
18Humingi ka ng payo sa iyong pagpaplano o bago makipaglaban sa digmaan.
19Ang taong masalita nagbubunyag ng sikreto, kaya iwasan mo ang ganyang uri ng tao.
20Mamamatay ang sinumang sumumpa sa kanyang magulang, para siyang ilaw na namatay sa gitna ng kadiliman.
21Ang mana na kinuha ng maaga sa bandang huliʼy hindi magiging pagpapala.
22Huwag kang maghiganti. Magtiwala ka sa Panginoon, at tutulungan ka niya.
23Nasusuklam ang Panginoon sa mga nandadaya sa timbangan. Hindi ito mabuting gawain.
24Ang Panginoon ang nagkaloob nitong ating buhay, kaya hindi natin alam ang ating magiging kapalaran.
25Bago mangako sa Diyos ay isiping mabuti, baka magsisi ka sa bandang huli.
26Tinitiyak ng isang matalinong hari na malaman kung sino ang gumagawa ng kasamaan at pagkatapos, silaʼy parurusahan.
27Ang espiritu ng tao ay parang ilaw ng Panginoon na sumisiyasat sa kaloob-looban ng pagkatao.
28Ang haring mabuti at tapat ay hindi mapapahamak, at magtatagal siya sa kanyang luklukan.
29Karangalan ng kabataan ang kanilang kalakasan, at karangalan naman ng matatanda ang kanilang katandaan.
30Kung minsan ang parusa ay nagdudulot ng mabuti upang magbago tayo.