Mga Kawikaan 27

1Huwag mong ipagyabang ang gagawin mo bukas, sapagkat hindi mo alam kung anong mangyayari sa araw na iyon.

2Huwag mong purihin ang iyong sarili; pabayaan mong iba ang sa iyo ay pumuri.

3Ang buhangin at bato ay mabigat, ngunit mas mabigat na problema ang idudulot ng taong hangal.

4Mapanganib ang taong galit, ngunit ang taong seloso ay higit na mapanganib.

5Mas mabuti ang pagsaway na lantaran, kaysa sa pag-ibig na hindi ipinapaalam.

6Ang masakit na pagsaway ng isang tunay na kaibigan ay may katuturan, ngunit ang halik ng kaaway ay hindi maaasahan.

7Kahit pulot ay tinatanggihan ng taong busog, ngunit sa taong gutom kahit pagkaing mapait ang lasa ay matamis sa kanya.

8Ang taong lumayas sa kanyang bahay ay parang ibong lumayas sa kanyang pugad.

9Ang langis at pabango ay gaya ng tapat na payo ng isang kaibigan na nagdudulot ng kaligayahan.

10Huwag mong talikuran ang iyong kaibigan o ang kaibigan ng iyong pamilya. Kapag may sakunang nangyari, huwag kang pupunta sa bahay ng iyong kapatid; mas nakakatulong pa ang malapit na kapitbahay kaysa kapatid na nasa malayo.

11Anak, magpakatalino ka upang ako ay maging maligaya, at upang may maisagot ako sa nagpapahiya sa akin.

12Ang taong maalam ay umiiwas sa paparating na panganib, ngunit ang taong wala sa katinuan ay sumusuong sa panganib, kaya siya ay napapahamak.

13Tiyakin mong makakuha ng garantiya sa sinumang nangakong managot sa utang ng hindi mo kilala, upang matiyak mong mababayaran ka.

14Kapag may bumati nang pasigaw sa umaga, kahit na itoʼy isang pagpapala, ituturing itong sumpa.

15Ang asawang bungangera ay parang tumutulong bubungan sa panahon ng tag-ulan.

16Hindi siya mapatigil, tulad ng hanging hindi mapigilan o kaya ng langis na hindi mahawakan.

17Kung paanong pinatatalas ng bakal ang kapwa-bakal, ang tao namaʼy matututo sa kanyang kapwa-tao.

18Kapag inalagaan mo ang puno ng igos, makakakain ka ng bunga nito. Ganoon din kapag pinagmalasakitan mo ang iyong amo, ikaw naman ay kanyang pararangalan.

19Kung paanong ang mukha ng tao ay naaaninaw sa tubig, ang pagkatao naman ay makikita sa iyong puso.

20Ang kapahamakan at kamatayan ay walang kasiyahan, gayon din ang hangarin ng tao.

21Pilak at ginto sa apoy sinusubok, ang tao naman ay nasusubok sa pamamagitan ng papuring kanyang natatanggap.

22Tadtarin mo man ng parusa ang taong hangal, ang kahangalan niya ay hindi mo pa rin maiaalis sa kanya.

23Mga hayop mo ay iyong alagaan at ang kawan mo ay pakabantayan.

24Sapagkat ang kayamanan ay hindi mamamalagi magpakailanman. Maging ang korona ay lilipas at hindi magtatagal sa habang panahon.

25Kapag ang dayami ay nawala at bago na ang mga usbong, at ang mga damo sa parang ay natapos nang natipon,

26ang mga tupa ay magbibigay saʼyo ng kasuotan, at ang mga kambing namaʼy maipagbibili mo sa halaga ng isang bukid.

27Mula sa mga kambing, makakakuha ka ng maraming gatas na sapat sa pangangailangan ng iyong pamilya at mga babaeng utusan.

Biblica® Open Tagalog Contemporary Bible™ (Ang Salita ng Diyos) © Biblica, Inc. Licensed CC BY-SA 4.0. “Biblica” is a trademark registered in the United States Patent and Trademark Office by Biblica, Inc.