1Ang taong matigas ang ulo kahit maraming beses pinagsasabihan ay mapapahamak nang biglaan at hindi na malulunasan.
2Kapag matutuwid ang namamahala, nagdiriwang ang madla. Ngunit kapag ang nangunguna ay masama, silaʼy lumuluha.
3Ang naghahangad ng karunungan ay nagdudulot ng kasiyahan sa magulang. Ang nakikisama sa babaeng bayaran ay nagwawaldas ng kayamanan.
4Kapag ang layunin ng hari ay katarungan, pinatatatag niya ang kanyang kaharian, ngunit kapag ang layunin niya ay humingi ng suhol, winawasak niya ang kanyang kaharian.
5Ang taong nagkukunwaring pumupuri sa kanyang kapwa ay may pinaplanong masama.
6Ang taong masama ay mahuhuli sa sarili niyang kasalanan, ngunit ang matuwid ay aawit nang may kagalakan.
7Kinikilala ng taong matuwid ang karapatan ng mahihirap, ngunit hindi nauunawaan ng taong masama ang mga bagay na ito.
8Ang mga taong nangungutya ay nagpapasimula ng gulo sa mga bayan, ngunit ang matatalino ang nagpapatigil nito.
9Kapag inihabla ng matalino ang hangal, hindi titigil ang hangal sa pagwawala at panunuya, at hindi magkakaroon ng kapayapaan.
10Kinamumuhian at gustong patayin ng mamamatay-tao ang mga taong namumuhay nang matuwid at walang kapintasan.
11Ang taong hangal ay hindi makapagpigil sa kanyang galit, ngunit ang taong marunong ay nakapagpipigil ng kanyang sarili.
12Kapag ang pinuno ay naniniwala sa kasinungalingan, lahat ng lingkod niyaʼy mabubuyo sa kasamaan.
13Ang mahirap at ang mapang-api ay parehong binigyan ng Panginoon ng paningin.
14Kung ang paghatol ng isang hari sa mahihirap ay makatarungan, ang paghahari niyaʼy magiging matatag magpakailanman.
15Ang pagpalo at pagsaway sa bata upang siyaʼy ituwid ay magtuturo sa kanya ng karunungan, ngunit kung siya ay pababayaan, ipapahiya niya ang kanyang ina.
16Kapag masama ang namumuno, nadadagdagan ang kasamaan. Ngunit sila ay mapapahamak at makikita ito ng mga matuwid.
17Disiplinahin mo ang iyong anak at bibigyan ka niya ng kapayapaan at kaligayahan.
18Kapag walang pahayag mula sa Diyos, nagkakagulo ang mga tao, subalit mapalad ang taong sumusunod sa kautusan.
19May mga utusang hindi mo maturuan sa pamamagitan ng salita lamang, sapagkat kahit na ikaʼy kanilang nauunawaan, hindi ka nila pakikinggan.
20Nakita mo ba ang taong padalos-dalos magsalita? Mas may pag-asa pa ang mangmang kaysa sa kanila.
21Kung mula pagkabata ng iyong utusan ay sinusunod mo ang layaw niya, sa huli ay magiging problema mo siya.
22Ang taong galit ay nagsisimula ng gulo at laging nagkakasala ang mainitin ang ulo.
23Ang kayabangan ng tao ang magbibigay sa kanya ng kahihiyan, ngunit ang pagpapakumbaba ang magbibigay sa kanya ng karangalan.
24Ang taong nakikipagsabwatan sa magnanakaw ay ipinapahamak ang kanyang sarili. Kahit sumumpa siyang magsasabi ng totoo, hindi pa rin niya gagawin ito.
25Ang natatakot sa kanyang kapwa at nasa mapanganib na bitag, subalit ang nagtitiwala sa Panginoon ay magiging panatag.
26Marami ang lumalapit sa pinuno upang silaʼy mapakinggan ngunit tanging ang Panginoon lamang ang nagbibigay ng katarungan.
27Kinasusuklaman ng matutuwid ang masasamâ, at kinasusuklaman din naman ng masasama ang matutuwid.