1Ang karunungan at pang-unawa ay katulad ng taong nangangaral.
2Tumatayo siya sa matataas na lugar sa tabi ng daan, sa mga kanto,
3sa mga pintuan ng lungsod at mga daanan. Nangangaral siya nang malakas,
4“Kayong mga tao sa buong mundo, pakinggan ninyo ang panawagan ko.
5Kayong mga walang alam, magkaroon kayo ng karunungan. Kayong mga mangmang magkaroon kayo ng pang-unawa.
6Makinig kayo sa sasabihin ko, sasambitin ko ang mga bagay na wasto at mahusay.
7Ang sinasabi ko ay pawang katotohanan lamang; sa nagsasalita ng masama ako ay nasusuklam.
8Pawang matuwid ang sinasabi ko; hindi ako nagsasalita ng kasinungalingan o pandaraya.
9Ang lahat ng sinasabi ko ay malinaw at pawang tama sa taong may pang-unawa.
10Pahalagahan ninyo ang karunungan at ang pagtutuwid ko sa inyong ugali kaysa sa pilak at ginto.
11Sapagkat higit na mahalaga ang karunungan kaysa sa mamahaling hiyas at hindi ito matutumbasan ng mga bagay na hinahangad mo.
12“Ako ang karunungan at alam ko kung paano unawain ang tama at mali, at alam ko rin kung paano magpasya nang tama.
13Ang may takot sa Panginoon ay lumalayo sa kasamaan. Namumuhi ako sa kapalaluan, kayabangan, pagsisinungaling at masamang pag-uugali.
14Magaling akong magpayo at may sapat na kaalaman. May pang-unawa at kapangyarihan.
15Sa pamamagitan ko nakakapamuno ang mga hari at ang mga pinunoʼy nakagagawa ng mga tamang batas.
16Sa pamamagitan ko makakapamuno ang mga tagapamahala at mga opisyal; ang lahat na namumuno nang matuwid.
17Minamahal ko ang mga nagmamahal sa akin; makikita ako ng mga naghahanap sa akin.
18Makapagbibigay ako ng kayamanan, karangalan, kaunlaran at tagumpay na magtatagal.
19Ang maibibigay ko ay higit pa sa purong ginto at pilak.
20Sinusunod ko ang tama at matuwid.
21Bibigyan ko ng kayamanan ang nagmamahal sa akin; pupunuin ko ang lalagyan nila ng kayamanan.
22“Bilang una sa kanyang mga gawa, nilikha ako ng Panginoon bago pa man ang lahat.
23Akoʼy nilikha niya noong unang panahon, sa pasimula, nang ang mundo ay nabuo.
24Noong wala pang karagatan, ako ay isinilang noong wala pang mga bukal na nag-uumapaw sa tubig,
25bago pa maitatag ang mga kabundukan bago ang mga kaburulan, ako ay isinilang,
26bago pa ginawa ng Diyos ang mundo maging ang kabukiran, o ang alabok sa lupa.
27Naroon na ako nang likhain niya ang langit, maging nang likhain niya ang tagpuan ng langit at ng lupa.
28Naroon din ako nang likhain niya ang mga ulap, nang palabasin niya ang tubig sa mga bukal mula sa kailaliman,
29nang ilagay niya ang hangganan ng mga dagat upang hindi ito umapaw, at nang ilagay niya ang mga pundasyon ng mundo.
30Akoʼy nasa tabi niya bilang arkitekto. Ako ang kanyang kasiyahan sa araw-araw, at palagi rin akong masaya sa piling niya.
31Natutuwa ako sa mundong nilikha niya at sa mga taong inilagay niya dito.
32“Kaya ngayon mga anak, pakinggan ninyo ako. Mapalad ang mga sumusunod sa pamamaraan ko.
33Pakinggan ninyo ang mga pagtutuwid ko sa inyong pag-uugali upang maging marunong kayo, at huwag ninyo itong kalilimutan.
34Mapalad ang taong palaging sa akin nakatuon ang isip at naghihintay upang makinig sa akin.
35Sapagkat ang taong makakasumpong sa akin ay magkakaroon ng buhay, at pagpapalain siya ng Panginoon.
36Ngunit ang taong hindi makakasumpong sa akin ay ipinapahamak ang kanyang sarili. Ang mga galit sa akin ay naghahanap ng kamatayan.”