27Naroon na ako nang likhain niya ang langit, maging nang likhain niya ang tagpuan ng langit at ng lupa.
28Naroon din ako nang likhain niya ang mga ulap, nang palabasin niya ang tubig sa mga bukal mula sa kailaliman,
29nang ilagay niya ang hangganan ng mga dagat upang hindi ito umapaw, at nang ilagay niya ang mga pundasyon ng mundo.
30Akoʼy nasa tabi niya bilang arkitekto. Ako ang kanyang kasiyahan sa araw-araw, at palagi rin akong masaya sa piling niya.
31Natutuwa ako sa mundong nilikha niya at sa mga taong inilagay niya dito.