Mga Kawikaan 10

1Narito ang mga kawikaan ni Solomon: Ang anak na marunong ay ligaya ng magulang, ngunit ang anak na hangal ay nagbibigay ng kalungkutan.

2Ang kayamanang nakuha sa masamang paraan ay hindi makapagbibigay ng anumang kabutihan, ngunit ang matuwid na pamumuhay ay makapagliligtas sa iyo sa kamatayan.

3Hindi hinahayaan ng Panginoon na magutom ang mga matuwid, ngunit ipinagkakait naman niya ang hangad ng mga masama.

4Nagpapahirap ang katamaran, ngunit ang kasipagan ay nagpapayaman.

5Ang nag-iimbak ng pagkain kapag anihan ay anak na maalam, ngunit ang anak na laging tulog kapag anihan ay kahiya-hiya.

6Ang taong matuwid ay pinagpapala; ang bibig ng masamang tao ay nakakapinsala.

7Ang alaala ng taong matuwid ay isang pagpapala magpakailanman ngunit ang masamang tao ay makakalimutan.

8Sumusunod sa mga utos ang taong marunong, ngunit ang nagsasalita ng kamangmangan ay mawawasak.

9May kapayapaan ang taong namumuhay nang matuwid, ngunit ang masama ang pamumuhay ay malalantad.

10Ang taong mandaraya ay gulo ang nililikha at ang taong nagsasalita ng kamangmangan ay mapapahamak.

11Ang salita ng taong matuwid ay makakatulong sa buhay ng iba, ngunit ang mga salita ng taong masama ay makapipinsala.

12Ang galit ay nagpapasimula ng kaguluhan, ngunit ang pag-ibig ay nagpapatawad ng lahat ng kasalanan.

13Nagsasalita ng karunungan ang taong may pang-unawa, ngunit ang walang pang-unawa ay nagsasalita tungo sa kanyang kapahamakan.

14Nagdadagdag ng kaalaman ang taong may karunungan, ngunit ang mga hangal ay nagsasalita tungo sa kanilang kapahamakan.

15Panatag ang mayaman dahil sa kanyang kayamanan, ngunit napapahamak ang mahirap dahil sa kanyang kahirapan.

16Ang gantimpala ng matuwid ay buhay, ngunit ang gantimpala ng masama ay kaparusahan.

17Ang taong nakikinig sa pagtutuwid sa kanyang pag-uugali ay mapapabuti at hahaba ang buhay, ngunit ang taong hindi nakikinig ay maliligaw ng landas.

18Ang nagkikimkim ng galit ay sinungaling, at ang naninira sa kanyang kapwa ay hangal.

19Ang taong masalita ay madaling magkasala. Ang taong maalam ay pinipigilan ang kanyang dila.

20Ang salita ng matuwid ay mahalaga tulad ng pilak, ngunit ang isip ng masama ay walang kabuluhan.

21Sa salita ng matuwid marami ang nakikinabang, ngunit ang mga hangal ay mamamatay dahil walang pang-unawa.

22Ang pagpapala ng Panginoon ay nagpapayaman at hindi niya ito dinadagdagan ng anumang kalungkutan.

23Ang kaligayahan ng hangal ay ang paggawa ng kasamaan, ngunit ang kaligayahan nang nakakaunawa ay ang mamuhay nang may karunungan.

24Ang kinatatakutan ng taong masama ay mangyayari sa kanya, ang hinahangad naman ng taong matuwid ay kanyang makakamit.

25Kapag dumating ang mga bagyo sa buhay, tatangayin ang mga masasama, subalit mananatiling matatag ang mga matutuwid magpakailanman.

26Tulad ng sukang nakakangilo at usok na nakakaluha, ganyan ang tamad sa nagpadala sa kanya.

27Ang may paggalang sa Panginoon ay hahaba ang buhay, ngunit ang taong masama ay iikli ang buhay.

28Ang pag-asa ng matuwid ay magbibigay ng kaligayahan, ngunit ang pag-asa ng masama ay walang katuparan.

29Ang pagsunod sa pamamaraan ng Panginoon ay kanlungan ng matuwid, ngunit ang mga suwail dito ay mapapahamak.

30Ang matuwid ay hindi gagambalain sa kanyang lupain, ngunit ang masama ay palalayasin.

31Ang bibig ng matuwid ay puno ng karunungan, ngunit ang dila ng sinungaling ay puputulin.

32Ang bibig ng matuwid ay nagsasalita ng kaaya-aya, ngunit kabuktutan ang sinasabi ng taong masama.

Biblica® Open Tagalog Contemporary Bible™ (Ang Salita ng Diyos) © Biblica, Inc. Licensed CC BY-SA 4.0. “Biblica” is a trademark registered in the United States Patent and Trademark Office by Biblica, Inc.