Mga Kawikaan 2

1Anak, tanggapin at ingatan mo sa iyong puso ang mga itinuturo at iniuutos ko sa iyo.

2Pakinggan mo kung ano ang makapagbibigay sa iyo ng karunungan at kaalaman.

3Manawagan ka upang ikaʼy maging marunong, at magsumamo ka upang ikaʼy makaunawa

4na parang naghahanap ka ng pilak o anumang nakatagong kayamanan.

5Kung gagawin mo ito, malalaman mo kung ano ang pagkatakot sa Panginoon at mauunawaan mo ang tungkol sa kanya.

6Sapagkat ang Panginoon ang nagbibigay ng karunungan, kaalaman, at ng pang-unawa.

7Pinagtatagumpay niya ang taong matuwid, siyaʼy kalasag ng mga walang kapintasan.

8Sapagkat siya ang nagbabantay sa kanilang daraanan, at ang kanilang landas ay kanyang iingatan.

9Sa gayoʼy mauunawaan mo kung ano ang tama at mali, kung alin ang makatarungan, at masusunod mo ang daang mabuti para sa iyo.

10Sapagkat lalong lalawak ang iyong karunungan at magbibigay ito sa iyo ng kaligayahan.

11Kapag nakakaunawa ka at marunong magpasya nang tama, iingatan ka nito.

12Ilalayo ka ng karunungan sa masamang pag-uugali at sa mga taong nagsasalita ng masama.

13Pinili ng mga taong ito na iwanan ang magandang pag-uugali at sumunod sa pamamaraan ng mga nasa kadiliman.

14Natutuwa sila sa paggawa ng masama at nasisiyahan sa mga kalikuan nito.

15Masama ang pag-uugali nila at hindi matuwid ang kanilang pamumuhay.

16Ilalayo ka ng karunungan sa masamang babae na gustong umakit sa iyo sa pamamagitan ng kanyang matatamis na salita.

17Iniwan ng ganyang babae ang napangasawa niya noong kanyang kabataan. Kinalimutan niya ang pangako niya sa Diyos nang silaʼy ikasal.

18Kapag pumunta ka sa kanyang tahanan, didiretso ka sa iyong kamatayan, dahil ito ang daan patungo sa libingan. Sapagkat ito ang daan tungo sa daigdig ng mga patay.

19Kung sino man ang pupunta sa kanya ay hindi na makakauwi; makakalimutan na niya ang daan patungo sa lugar ng mga buháy.

20Kaya tularan mo ang pamumuhay ng mabubuting tao at mamuhay ka nang matuwid.

21Sapagkat ang taong namumuhay nang matuwid at walang kapintasan ay mabubuhay nang matagal dito sa daigdig.

22Ngunit ang masasamâ ay palalayasin. Bubunuting parang ugat ang mga taksil.

Biblica® Open Tagalog Contemporary Bible™ (Ang Salita ng Diyos) © Biblica, Inc. Licensed CC BY-SA 4.0. “Biblica” is a trademark registered in the United States Patent and Trademark Office by Biblica, Inc.