1Nasa tao ang pagpaplano, ngunit ang Panginoon ang nagpapasya kung magaganap ito o hindi.
2Ang akala ng taoʼy mabuti ang kanyang mga ginagawa, ngunit sinusuri ng Panginoon ang tunay na hangarin niya.
3Ipagkatiwala mo sa Panginoon ang mga gagawin mo, at magtatagumpay ka sa iyong mga plano.
4Ang lahat ay nilikha ng Panginoon na mayroong layunin, kahit na nga ang masasamâ, itinalaga sila para sa kapahamakan.
5Kinasusuklaman ng Panginoon ang mayayabang at tiyak na silaʼy parurusahan.
6Kung minamahal natin ang Panginoon nang may katapatan, patatawarin niya ang ating mga kasalanan. Kung may takot tayo sa kanya nang may paggalang, makakalayo tayo sa kasamaan.
7Kapag kinalulugdan ng Panginoon ang ating pamumuhay, kahit na ang ating kaaway ay gagawin niyang ating kaibigan.
8Mas mabuti pa ang kaunting halaga na kinita sa matuwid na paraan, kaysa sa malaking halaga na kinita nang hindi makatarungan.
9Ang tao ang nagpaplano, ngunit nasa Panginoon ang kaganapan nito.
10Ang haring pinapatnubayan ng karunungan ng Panginoon, ay palaging tama ang paghatol.
11Matapat na timbangan at walang dayang sukatan ang nais ng Panginoon sa kalakalan. Ang tamang bigat ang kanyang pamantayan.
12Sa mga hari ay kasuklam-suklam ang paggawa ng kasamaan, dahil magpapatuloy lamang ang kanilang pamamahala kung sila ay makatuwiran.
13Nalulugod ang mga hari sa mga taong hindi nagsisinungaling; minamahal nila ang mga taong nagsasabi ng katotohanan.
14Kapag ang hari ay nagalit maaaring may masawi, kaya sinisikap ng taong matalino na malugod ang hari.
15Kapag ang hari ay ngumingiti, katumbas nito ay buhay. Kapag ang hari ay nalulugod, katulad nitoʼy ulan sa tagsibol.
16Higit na mabuti ang magkaroon ng karunungan at pang-unawa, kaysa sa magkaroon ng pilak at ginto.
17Ang daan ng matuwid ay lumilihis sa kasamaan; silang maingat sa kanilang landas ay naililigtas ang kanilang buhay.
18Ang kayabangan ay humahantong sa kapahamakan, at ang nagmamataas ay ibabagsak.
19Mas mabuti pang magpakumbaba kasama ng mga mahihirap kaysa makibahagi sa kayamanang kinamkam ng mga mayayabang.
20Ang taong nakikinig kapag tinuturuan ay uunlad, at ang taong nagtitiwala sa Panginoon ay mapalad.
21Ang marunong ay kinikilalang may pang-unawa, at kung siyaʼy magaling magsalita marami ang matututo sa kanya.
22Kapag may karunungan ka, buhay moʼy bubuti at hahaba; ngunit kung hangal ka, parurusahan ka dahil sa iyong kahangalan.
23Ang taong maalam ay nag-iingat sa kanyang mga sinasabi, kaya natututo ang iba sa kanya.
24Ang matatamis na salita ay parang pulot-pukyutan, nakakapagpasaya at nakakapagpasigla ng katawan.
25Maaaring iniisip mo na ikaw ay nasa tamang daan, ngunit ang dulo pala nito ay kamatayan.
26Ang gutom ng mga manggagawa ang dahilan ng kanilang pagsisikap, ito ang nagtutulak upang silaʼy magtrabaho.
27Ang taong masama ay nag-iisip ng kasamaan, at ang bawat sabihin niya ay parang apoy na nakakapaso.
28Ang taong nanlilibak ng kapwa ay nagsisimula ng away, at ang matalik na magkaibigan ay kanyang pinaghihiwalay.
29Ang taong nabubuhay sa karahasan ay nanghihikayat ng kanyang kapwa sa kasamaan.
30Mag-ingat sa taong ngingiti-ngiti at kikindat-kindat dahil maaaring masama ang kanyang binabalak.
31Ang katandaan ay tanda ng karangalan na matatanggap ng taong namumuhay sa katuwiran.
32Higit na mabuti ang taong mapagpasensya kaysa sa taong makapangyarihan. Higit na mabuti ang taong nakakapagpigil sa sarili kaysa sa taong nakakasakop ng isang lungsod.
33Ang mga taoʼy nagpapalabunutan subalit nasa Panginoon ang kapasyahan.