Mga Kawikaan 11

1Kinasusuklaman ng Panginoon ang nandaraya sa timbangan, ngunit ang nagtitimbang ng tama ay kanyang kinalulugdan.

2Ang taong mayabang ay madaling mapahiya, ngunit may karunungan ang taong mapagpakumbaba.

3Ang pamumuhay nang may katapatan ang gagabay sa taong matuwid, ngunit ang taong mandaraya ay mapapahamak dahil hindi tama ang kanyang pamumuhay.

4Ang kayamanan ay hindi makakatulong sa araw ng paghuhukom, ngunit ang matuwid na pamumuhay ay magliligtas sa iyo sa kamatayan.

5Ang matuwid at walang kapintasang pamumuhay ay makapagpapagaan ng buhay, ngunit ang masamang pamumuhay ay maghahatid ng kapahamakan.

6Ang pamumuhay ng taong matuwid ang magliligtas sa kanya, ngunit ang hangad ng taong mandaraya ang magpapahamak sa kanya.

7Kapag namatay ang taong masama, pag-asa niyaʼy mawawala, at ang kanyang mga inaasahan ay mawawalan ng kabuluhan.

8Inililigtas ng Diyos sa kahirapan ang matuwid, ngunit ang masamâʼy kanyang pinapabayaan.

9Ang salita ng walang diyos ay nakakasira ng kapwa. Ngunit ang karunungan ng matuwid ay nakakaligtas.

10Kapag ang matuwid ay pinagpapala, mga taoʼy sumisigaw sa tuwa. At kapag ang masama ay napapahamak ganoon din ang kanilang ginagawa.

11Umuunlad ang isang bayan sa pagpapala ng mga mamamayang matuwid, subalit nawawasak ito sa pamamagitan ng salita ng masama.

12Ang taong walang pang-unawa ay kinukutya ang kapwa, ngunit ang taong may pang-unawa ay hindi nangungutya.

13Ang mga taong madaldal ay nagsisiwalat ng sikreto, ngunit ang taong mapagkakatiwalaan ay nakakapagtago nito.

14Kung walang gumagabay, babagsak ang bansa, ngunit tiyak ang kaligtasan kung maraming tagapayo.

15Mapanganib ang mangakong managot sa utang ng iba, kaya iwasan itong gawin upang hindi ka magkaproblema.

16Ang babaeng maganda ang ugali ay nag-aani ng karangalan, ngunit ang taong marahas ay magaling lang sa pag-angkin ng kayamanan. Ang taong tamad ay maghihirap, ngunit ang taong masipag ay yayaman.

17Ang mabuting tao ay gagantimpalaan ng kanyang kabutihan, ngunit hahantong sa kapahamakan ang taong malupit.

18Ang masamang tao ay hindi tatanggap ng tunay na gantimpala, ngunit ang gumagawa ng matuwid ay tatanggap ng tunay na gantimpala.

19Ang taong gumagawa ng matuwid ay patuloy na mabubuhay, ngunit ang taong gumagawa ng masama ay mamamatay.

20Kasuklam-suklam sa Panginoon ang pag-iisip ng masama, ngunit ang buhay na matuwid ay kalugod-lugod sa kanya.

21Ang taong masama, tiyak na parurusahan, ngunit ang matuwid ay makakaligtas.

22Ang magandang babaeng hindi marunong magpasya ay parang isang gintong singsing sa nguso ng baboy.

23Ang ninanais ng matuwid ay pawang kabutihan, ngunit ang ninanais ng masama ay nagdudulot ng kaguluhan.

24Ang mga taong mapagbigay ay lalong yumayaman, ngunit ang mga taong sakim ay hahantong sa kahirapan.

25Ang taong mapagbigay ay magtatagumpay sa buhay; ang taong tumutulong ay tiyak na tutulungan.

26Isinusumpa ng mga tao ang nagtatago ng ani niya, ngunit ang gustong magtinda nito ay pinagpapala nila.

27Ang naghahanap ng kabutihan, siyaʼy mapapaburan, ngunit ang naghahanap ng kasamaan, itoʼy kanyang makakamtan.

28Mabibigo ang taong nagtitiwala sa kanyang kayamanan, ngunit ang taong matuwid ay lalago na parang sariwang halaman.

29Ang mga hangal na nagdadala ng gulo sa sariling tahanan ay walang mamanahin sa huli. Magiging alipin lang sila ng mga taong may karunungan.

30Ang ginagawa ng mga taong matuwid ay makakatulong sa iba upang mapabuti at mapahaba ang kanilang buhay. At madadala niya ang mga tao sa pamamagitan ng kanyang karunungan.

31Kung natatanggap ng matutuwid ang kanilang gantimpala dito sa lupa, paano pa kaya ang mga walang diyos at mga makasalanan?

Biblica® Open Tagalog Contemporary Bible™ (Ang Salita ng Diyos) © Biblica, Inc. Licensed CC BY-SA 4.0. “Biblica” is a trademark registered in the United States Patent and Trademark Office by Biblica, Inc.