1Muling sumagot si Job,
2“Hanggang kailan ninyo ako pahihirapan, at sasaktan sa mga sinasabi ninyo?
3Paulit-ulit ninyo akong iniinsulto. Hindi na kayo nahiya sa mga ginagawa ninyo sa akin?
4Kung talagang nagkasala ako, problema ko na iyon.
5Ang akala ninyoʼy mas magaling kayo kaysa sa akin, at ginagamit ninyo ang kahihiyan ko bilang patunay na nagkasala ako.
6Dapat ninyong malaman, ang Diyos ang humatol sa akin nang hindi tama. At nahuli ako ng kanyang lambat na nakapalibot sa akin.
7“Tumawag ako at humingi ng tulong ngunit walang sumagot sa akin. Humingi ako ng katarungan ngunit walang nagbigay sa akin.
8Hinarangan ng Diyos ang dinadaanan ko upang hindi ako makadaan. Tinakpan din niya ito ng kadiliman.
9Inalis niya ang aking karangalan at sinira ang mabuti kong pangalan.
10Pinahirapan niya ako saanman ako bumaling na halos ikamatay ko na. Inalis niya ang pag-asa ko na parang punongkahoy na binunot.
11Labis ang galit niya sa akin at itinuring niya akong kaaway.
12Pinadalhan niya ako ng mga sundalo para salakayin at palibutan ang aking tolda.
13“Inilayo niya sa akin ang aking mga kamag-anak; at nilayuan na ako ng aking mga kakilala.
14Wala na ang lahat ng taong malapít sa akin. Pati mga kaibigan koʼy nilimot na ako.
15Hindi na ako kilala ng aking mga bisita at mga babaeng alipin. Itinuring na nila akong dayuhan.
16Kapag tinatawag ko ang aking alipin, hindi na niya ako pinapansin, kahit makiusap pa ako.
17Ang asawa koʼy nababahuan sa hininga ko at ang mga kapatid kong lalaki ay nandidiri sa akin.
18Hinahamak ako kahit ng mga batang paslit. Kapag nakikita nila ako, pinagtatawanan nila ako.
19Lahat ng matalik kong kaibigan ay nasusuklam sa akin. Pati mga mahal ko sa buhay ay lumayo na rin.
20Butoʼt balat na lang ako at halos mamamatay na.
21“Maawa kayo sa akin, mga kaibigan ko, dahil pinahihirapan ako ng Diyos.
22Bakit ninyo ako inuusig tulad ng ginagawa ng Diyos sa akin? Hindi pa ba sapat ang pagpapahirap ninyo sa akin?
23“Mabuti sana kung isinulat sa aklat ang mga sinabi ko,
24o di kayaʼy iniukit ito sa bato upang hindi mabura magpakailanman.
25Alam kong buháy ang aking Tagapagligtas at sa bandang huli ay darating siya dito sa lupa.
26Pagkaalis ko sa katawang ito at mabulok ang mga laman ko, makikita ko na ang Diyos.
27Makikita ko siya nang harapan at hindi na siya iba sa akin. Labis na akong nananabik na makita siya.
28“Kung sasabihin ninyo, ‘Patuloy natin siyang paratangan dahil siya mismo ang ugat ng mga kaguluhan.’
29Katakutan ninyo ang talim ng tabak, sapagkat ito ay parusang nararapat dulot ng kanyang matinding poot, upang malaman ninyong may paghahatol.”