1Nagsalita si Elifaz na taga-Teman. Sinabi niya,
2“Magagalit ka ba kung magsasalita ako? Hindi ko na kayang manahimik.
3Noon, pinapayuhan mo ang maraming tao na magtiwala sa Diyos, at pinalalakas ang mahihina at nanlulupaypay.
4Ang mga salita moʼy nagpalakas sa kanila at umalalay sa mga nanghihina.
5Ngunit ngayong ikaw na ang dumaranas ng kahirapan, tila ikaw ang nanghihina at naguguluhan.
6Hindi baʼt kapag may takot ka sa Diyos at namumuhay ka nang matuwid, magdudulot ito sa iyo ng tiwalaʼt pag-asa?
7“Ngayon, isipin mong mabuti. May tao bang matuwid at walang kasalanan na napahamak?
8Ayon sa aking nakitaʼt nalaman, ang mga taong gumagawa ng kasamaan at kaguluhan, gayundin ang kanilang kahahantungan.
9Sa isang bugso lamang ng galit ng Diyos, mapapahamak sila.
10Kahit na silaʼy tulad ng malakas at mabangis na leon, tatanggalin pa rin ang kanilang mga ngipin.
11Mamamatay ang leon dahil wala siyang mahuli at ang mga anak ng babaeng leon ay magkakahiwa-hiwalay.
12“May lihim na dumating sa akin, nahagip ng aking pandinig ang bulong na ito.
13Sa gitna ng gabing puno ng maliligalig na panaginip, habang mahimbing ang lahat sa pagkakaidlip,
14binalot ako ng takot at nginig, at ang mga buto koʼy nangatog.
15May espiritung dumaan sa aking harapan, at tumindig ang mga balahibo sa aking katawan.
16Huminto ito, ngunit hindi ko gaanong maaninag. At may narinig akong mahinang tinig na nagsasabi,
17‘Maaari bang maging matuwid ang isang tao sa harapan ng Diyos? May kakayahan ba ang isang taong maging dalisay sa harapan ng kanyang Manlilikha?
18Kung mismong sa mga anghel na lingkod niya ay hindi siya lubusang nagtitiwala, at nakakakita siya ng kamalian nila,
19di lalo na sa taong nilikha lamang mula sa lupa, na madaling pisain katulad ng gamo-gamo!
20Ang taoʼy maaaring buháy pa sa umaga ngunit kinagabihaʼy patay na at hindi na makikita magpakailanman.
21Para silang mga toldang bumagsak. Namatay sila nang kulang sa karunungan.’ ”