Job 20

1Pagkatapos, sumagot si Zofar na taga-Naama,

2“Kailangang magsalita na ako dahil hindi ako mapakali.

3Sinaway mo ako nang may pangungutya at may nag-uudyok sa isip kong ikaw ay sagutin.

4“Tiyak na alam mo na mula pa noong unang panahon, simula nang likhain ang tao sa mundo,

5ang ligaya ng masamang taoʼy panandalian lang. Totoong hindi nagtatagal ang kasiyahan ng taong hindi naniniwala sa Diyos.

6Kahit na kasintaas ng langit at ulap ang tingin niya sa kanyang sarili,

7mawawala rin siya magpakailanman katulad ng kanyang dumi. Ang mga kakilala niyaʼy magtataka kung nasaan na siya.

8Mawawala siya na parang isang panaginip o pangitain sa gabi at hinding-hindi na matatagpuan.

9Hindi na siya makikita ng mga nakakakilala sa kanya at mawawala siya sa dati niyang tirahan.

10Ang mga anak niya ang magbabayad ng mga ninakaw niya sa mga dukha.

11Ang lakas ng kabataang kanyang taglay sa alabok ay kasama niyang mahihimlay.

12“Ang paggawa niya ng masama ay parang pagkaing matamis sa kanyang bibig

13na nginunguyang mabuti at ninanamnam.

14Ngunit pagdating sa tiyan, ito ay nagiging maasim at lalason sa kanya na parang kamandag ng ahas.

15Isusuka niya ang kayamanang ninakaw niya. Ipapasuka ito ng Diyos sa kanya kahit itoʼy nasa tiyan na niya.

16Sisipsipin niya ang kamandag ng mga ahas at ang pangil ng ahas ang papatay sa kanya.

17Hindi na niya matitikman ang saganang langis, gatas, at ang pulot na dumadaloy na parang batis o ilog.

18Hindi siya gagantimpalaan para sa kanyang pinaghirapan o matutuwa man sa kanyang kayamanan.

19Sapagkat inapi niya at pinabayaan ang mga dukha, at inagaw ang mga bahay na hindi sa kanya.

20“Hindi niya mapapakinabangan ang kanyang pinaghirapan. Lahat ng magugustuhan niya ay hindi makakaligtas sa kanya.

21Wala nang matitira sa kanya na makakain niya dahil mawawala ang kanyang kayamanan.

22Sa kanyang kasaganaan, darating sa kanya ang kahirapan. Labis na paghihirap nga ang darating sa kanya.

23Bubusugin siya ng Diyos ng paghihirap. Patitikimin siya ng Diyos ng kanyang matinding galit, at pauulanan ng parusa.

24Maaaring makatakas siya sa sandatang bakal ngunit tatamaan din siya ng panang tanso.

25Tutusok ito sa kanyang apdo at tatagos sa kanyang katawan. At makakaramdam siya ng takot.

26Mawawala ang kanyang kayamanan sa kadiliman. Susunugin siya ng apoy na hindi tao ang nagpaningas, pati na ang lahat ng naiwan sa kanyang tirahan.

27Ihahayag ng langit ang mga kasalanan niya at sasaksi naman ang lupa laban sa kanya.

28Tatangayin ng baha ang bahay niya sa araw na ibuhos ng Diyos ang kanyang galit.

29Iyan ang kapalaran ng taong masama ayon sa itinakda ng Diyos sa kanya.”

Biblica® Open Tagalog Contemporary Bible™ (Ang Salita ng Diyos) © Biblica, Inc. Licensed CC BY-SA 4.0. “Biblica” is a trademark registered in the United States Patent and Trademark Office by Biblica, Inc.