Job 28

1May mga minahan kung saan matatagpuan ang pilak at may mga lugar kung saan dinadalisay ang ginto.

2Ang bakal ay nakukuha mula sa lupa, at ang tanso ay tinutunaw mula sa mga bato.

3Gumagamit ng ilaw ang mga tao upang madaig nila ang kadiliman sa kanilang paghuhukay sa kailaliman ng lupa.

4Humuhukay sila ng daanan sa minahan, sa dakong walang taong nakatira at dumadaan. Bumababa sila sa pamamagitan ng mga nakalaylay na lubid.

5Ang ibabaw ng lupa ay tinutubuan ng pagkain, ngunit ang ilalim nitoʼy tinutunaw ng apoy.

6Ang mga bato doon ay may mga safiro at ang mga alikabok ay may ginto.

7Ang mga daan patungo roon ay hindi makita ng mga ibon, kahit ng ibong mandaragit.

8Hindi rin ito nadaanan ng mga mababangis na hayop o ng leon.

9Hinuhukay ng mga tao kahit na ang pinakamatigas na bato sa ilalim ng bundok.

10Hinuhukay nila ang bundok upang hanapin ang ibaʼt ibang uri ng mamahaling bato.

11Hinahanap din nila ang mga ito sa mga ilog.

12Ngunit saan nga ba matatagpuan ang karunungan at pang-unawa?

13Hindi alam ng tao kung saan ito matatagpuan. Hindi ito matatagpuan dito sa lupa.

14Hindi rin ito matatagpuan sa kailaliman ng dagat.

15Hindi rin ito nabibili ng purong ginto o pilak.

16Ang halaga nito ay hindi matutumbasan ng ginto mula sa Ofir o ng alinmang mamahaling bato gaya ng onise o safiro.

17Higit pa ito sa ginto o kristal. Hindi ito maipagpapalit sa gintong alahas.

18Ang koral at haspe ay walang sinabi, ang halaga ng karunungan ay higit pa kaysa rubi.

19Hindi ito mapapantayan ng mamahaling batong topaz na mula sa Etiopia at hindi rin mababayaran ng purong ginto.

20Saan ba nagmumula ang karunungan? Saan ang tahanan ng kaunawaan?

21Walang nilalang na makakakita nito kahit sa mga ibon.

22Kahit na ang lugar ng kapahamakan na siyang lugar ng mga patay, sabi-sabi lang ang kanilang nalaman tungkol dito.

23Diyos lang ang nakakaalam kung saan matatagpuan ang karunungan.

24Sapagkat nakikita niya kahit ang pinakamalayong bahagi ng mundo at ang lahat ng nasa ilalim ng langit.

25Noong pinalakas niya ang hangin, at sinukat kung gaano karaming ulan ang dapat bumuhos,

26itinakda na niya kung saan ito papatak, at kung saan tatama ang kulog at kidlat.

27Sa ganito niya ipinakita ang karunungan at kahalagahan ng mga ito. Nasubukan na niya ito at napatunayan.

28Pagkatapos, sinabi niya sa mga tao, “Ang pagkatakot sa Panginoon at ang paglayo sa kasamaan ay siyang karunungan at pagkaunawa.”

Biblica® Open Tagalog Contemporary Bible™ (Ang Salita ng Diyos) © Biblica, Inc. Licensed CC BY-SA 4.0. “Biblica” is a trademark registered in the United States Patent and Trademark Office by Biblica, Inc.