Job 26

1Sumagot si Job,

2“Ang akala mo baʼy natulungan mo ang walang kakayahan at nailigtas ang mahihina?

3Ang akala mo baʼy napayuhan mo ang kapos sa karunungan sa pamamagitan ng iyong karunungan?

4Saan ba nanggaling ang mga sinasabi mong iyan? Sinong espiritu ang nagturo sa iyo na sabihin iyan?

5“Nanginginig sa takot ang mga patay sa kinalalagyan nila sa ilalim ng tubig.

6Lantad sa paningin ng Diyos ang lugar ng mga patay. Hindi maitatago ang lugar ng kapahamakan.

7Inilatag ng Diyos ang kalawakan sa hilaga at ibinitin ang mundo sa kawalan.

8Ibinabalot niya ang ulan sa makakapal na ulap, ngunit hindi ito napupunit gaano man kabigat.

9Tinatakpan niya ng makapal na ulap ang bilog na buwan.

10Nilagyan niya ng hangganan ang langit at dagat na parang hangganan din ng liwanag at dilim.

11Sa pagsaway niya ay nayayanig ang mga haligi ng langit.

12Sa kanyang kapangyarihan ay pinaaalon niya ang dagat; sa kanyang karunungan ay tinalo niya si Rahab.

13Sa pamamagitan ng pag-ihip niya ay umaaliwalas ang langit, at sa kanyang kapangyarihan pinatay niya ang gumagapang na ahas.

14Mga simpleng bagay lang ito para sa kanya. Parang isang bulong lang na ating napakinggan. Sino ngayon ang makakaunawa sa kapangyarihan ng Diyos?”

Biblica® Open Tagalog Contemporary Bible™ (Ang Salita ng Diyos) © Biblica, Inc. Licensed CC BY-SA 4.0. “Biblica” is a trademark registered in the United States Patent and Trademark Office by Biblica, Inc.