1“Alam mo ba kung kailan nanganganak ang mga kambing sa gubat? Nakakita ka na ba ng usa na nanganganak?
2Binibilang mo ba ang mga buwan ng kanilang pagbubuntis hanggang sa sila ay manganak? At alam mo rin ba kung kailan sila manganganak?
3Nakayukyok silaʼt nagtitiis ng hirap hanggang sa makapanganak.
4Paglaki ng kanilang mga anak sa kagubatan, umaalis sila at hindi na bumabalik.
5“Sino ang nagpakawala sa asnong-gubat? Sino ang nagkalas ng tali nito?
6Ibinigay ko sa kanya ang ilang upang kanyang tirhan, pinatira ko siya sa lupaing pinabayaan.
7Lumalayo siya sa maingay na bayan at ayaw niyang siya ay mapaamo.
8Paikot-ikot siya sa mga kabundukan upang maghanap ng sariwang pastulan.
9“Papayag ba ang bakang-gubat na pagsilbihan ka? Mapapanatili mo kaya siya sa kanyang sabsaban kung gabi?
10Matatalian mo kaya siya at mapag-aararo sa iyong bukid?
11Makakaasa ka kaya sa lakas niya upang gawin ang mabibigat na gawain?
12Maaasahan mo kaya siyang tipunin at hakutin ang iyong ani papunta sa giikan?
13“Pumapagaspas nang may kagalakan ang mga pakpak ng abestrus, ngunit hindi nito mapapantayan ang mga pakpak at balahibo ng tagak.
14Iniiwanan ng malaking ibong ito ang kanyang mga itlog sa lupa upang mainitan sa buhanginan.
15Hindi siya nag-aalalang baka matapakan ito o madaganan ng mga hayop sa gubat.
16Malupit siya sa kanyang mga sisiw, parang hindi kanya kung ituring. Hindi siya nag-aalala na ang pinaghirapan niya ay mawawalan ng kabuluhan.
17Sapagkat hindi siya binigyan ng Diyos ng karunungan at hindi rin binahagian ng pang-unawa.
18Ngunit kapag tumakbo na siya, tinatawanan niya ang kabayo at ang sakay nito.
19“Ikaw ba ang nagbibigay ng lakas sa kabayo? Ikaw din ba ang naglagay ng buhok sa kanyang leeg?
20Ikaw ba ang nagpapalukso sa kanya gaya ng isang balang at nagiging kagimbal-gimbal kapag itoʼy sumisinghal?
21Kumakahig siya sa lupa na parang ipinagmamalaki ang kanyang lakas. Pagkatapos ay sumusugod siya sa digmaan.
22Wala siyang kinatatakutan, ni hindi siya natatakot sa espada.
23Kumakalansing at kumikislap ang mga sandata ng sumasakay sa kanya.
24Lumilipad ang alikabok sa bilis ng kanyang pagtakbo. Hindi na siya mapigilan kapag tumunog na ang trumpeta.
25Sumisinghal siya kapag naririnig ang trumpeta. Naaamoy niya ang digmaan kahit sa malayo, at naririnig niya ang ingay ng digmaan at ang sigaw ng mga kumander.
26“Ang karunungan mo ba ang nagpapalipad sa lawin para ibuka ang pakpak nito patungo sa timog?
27Ikaw ba ang nag-uutos sa agila na lumipad at gumawa ng kanyang pugad sa mataas na dako?
28Nakatira ang agila sa mataas na bato. Ang matarik na lugar ang kanyang taguan.
29Mula doon naghahanap siya ng madadagit, kahit ang malayo ay naaabot ng kanyang paningin.
30At kapag may nakita siyang bangkay ay pinupuntahan niya, at ang dugo nito ang iniinom ng kanyang mga inakay.”