Job 38

1Pagkatapos, sinagot ng Panginoon si Job mula sa ipuipo, sinabi niya,

2“Sino itong nag-aalinlangan sa aking karunungan? At nagsasalita ng pawang kamangmangan.

3Humanda ka. Sagutin mo ang aking mga tanong.

4“Nasaan ka noong itinatag ko ang pundasyon ng daigdig? Sabihin mo kung iyong nauunawaan.

5Alam mo ba kung sino ang nagpasya ng magiging lawak ng pundasyon at sukat nito?

6Sino ang may hawak ng pundasyon ng mundo? At sino ang naglagay ng pundasyon na ito

7habang sama-samang umaawit ang mga bituin sa umaga at nagsisigawan sa tuwa ang lahat ng anghel?

8“Sino ang naglagay ng hangganan sa dagat nang bumulwak ito mula sa kailaliman?

9Ako ang naglagay ng makapal na ulap at kadiliman bilang takip ng dagat.

10Itinakda ko ang hangganan ang dagat; parang pintuang isinara at nilagyan ng tarangka.

11Sinabihan ko ang dagat, ‘Hanggang dito ka lang at huwag kang lalampas; hanggang dito lang ang malalaki mong alon.’

12“Nautusan mo na ba ang umaga na magliwanag, o ituro sa bukang-liwayway kung saan siya sisikat?

13Nagawa mo na bang ikalat ang liwanag ng araw sa buong mundo para mapatigil ang kasamaang ginagawa kapag madilim?

14At dahil sa sikat ng araw, ang daigdig ay malinaw na nakikita katulad ng marka ng pantatak at lukot ng damit.

15Ang liwanag ay nakakapigil sa masasama, dahil hindi sila makakagawa ng karahasan sa iba.

16“Ikaw baʼy nakapunta na sa mga bukal na nasa ilalim ng dagat o sa pinakamalalim na bahagi ng dagat?

17Naipakita na ba sa iyo ang mga pintuang patungo sa lugar ng mga patay?

18Alam mo ba kung gaano kalaki itong mundo? Sabihin mo sa akin kung alam mo ang lahat ng ito!

19“Saan ang daan patungo sa tahanan ng liwanag? Saan ang tahanan ng kadiliman?

20Madadala mo ba sila sa kanilang pinanggalingan? Alam mo ba ang daan patungo sa kanilang tahanan?

21Oo nga pala, alam mo ang lahat ng ito dahil ipinanganak ka na bago pa likhain ang mga ito at matagal na panahon ka nang nabubuhay!

22“Nakapunta ka na ba sa lugar na pinanggagalingan ng nyebe o ulan na yelo?

23Ang mga yelong itoʼy inihahanda ko para sa panahon ng kaguluhan at digmaan.

24Alam mo kung saan nagmumula ang kidlat? At kung saan nagmumula ang hanging silangan?

25Sino nga ba ang gumawa ng dadaanan ng ulan at ng bagyo?

26Sino nga ba ang nagpapadala ng ulan sa disyerto, sa lugar na walang nakatirang tao?

27Sino ang nagpapadala ng ulan sa ilang upang tumubo ang mga damo?

28Mayroon bang ama ang ulan? Sino ang ama ng mga ng hamog?

29Sino ang ina ng niyebe? Sino ang nagsilang sa yelong mula sa langit?

30Ang tubig ay nagyeyelo na kasintigas ng bato, pati na ang itaas na bahagi ng dagat.

31“Kaya mo pagkumpul-kumpulin ang mga bituin ng Pleyades o ikalat ang mga bituin ng Orion?

32Masasabihan mo ba ang mga bituin na lumabas sa tamang oras? Magagabayan mo ba ang mga bituing Malaking Oso at Maliit na Oso sa kanilang daan?

33Alam mo ba ang mga tuntuning umiiral sa langit? Ito kayaʼy mapapairal mo rito sa lupa?

34“Masisigawan mo ba ang mga ulap para bumuhos sila ng ulan?

35Mauutusan mo ba ang kidlat na kumislap? Mapapasunod mo kaya ito?

36Sino ang nagbibigay ng karunungan at pang-unawa ng tao?

37Sinong napakarunong ang makakabilang ng mga ulap? Sinong makakapagbuhos ng tubig mula sa langit

38upang ang mga tuyong alikabok ay maging buo-buong putik?

39“Maihahanap mo ba ng pagkain ang mga leon upang sila ay mabusog

40habang silaʼy nagtatago sa kanilang lungga o sa maliliit na punongkahoy?

41Sino ang nagpapakain sa mga uwak kapag silaʼy nagugutom at kapag ang mga inakay nilaʼy humihingi ng pagkain sa Diyos?

Biblica® Open Tagalog Contemporary Bible™ (Ang Salita ng Diyos) © Biblica, Inc. Licensed CC BY-SA 4.0. “Biblica” is a trademark registered in the United States Patent and Trademark Office by Biblica, Inc.