1Sumagot si Bildad na taga-Shua,
2“Hanggang kailan ka magsasalita nang ganyan? Nag-iingay ka lang at walang kabuluhan ang mga sinasabi mo.
3Hindi maaaring pilipitin ng Diyos na Makapangyarihan ang katarungan o baluktutin ang katuwiran.
4Nagkasala ang iyong mga anak laban sa Diyos kaya nararapat lamang ang natanggap nilang kaparusahan.
5Ngunit kung lalapit ka sa Diyos na Makapangyarihan, at magmamakaawa sa kanya,
6at mamumuhay nang malinis at matuwid, kahit ngayon ay agad ka niyang tutulungan at ibabalik sa mabuting kalagayan.
7Bagamaʼt sa maliit ka nag-umpisa, magiging masagana ang iyong hinaharap.
8“Tanungin mo ang mga matatanda. Alamin mo kung ano ang natutunan ng kanilang mga ninuno.
9Sapagkat parang kailan lang tayo ipinanganak at kaunti lang ang ating nalalaman, at ang mga araw natin dito sa mundo ay tulad ng aninong hindi nagtatagal.
10Pakinggan mo sila, at sasabihin nila sa iyo ang kanilang nalalaman.
11Hindi mabubuhay ang halamang tubig kung walang tubig.
12Habang silaʼy mura pa at ʼdi pa namumukadkad, silaʼy nalalantang mas mabilis pa sa mga damo.
13Ganyan din ang kahihinatnan ng lahat ng taong tumatalikod sa Diyos. Ang kanyang pag-asa ay mawawala.
14Ang lahat ng inaasahan at pinagtitiwalaan niya ay kasinrupok ng sapot ng gagamba.
15Kapag sinandalan ito, agad nalalagot; dumidikit ngunit mahina ang kapit.
16Para siyang halamang sagana sa dilig at sikat ng araw. Yumayabong ito sa buong hardin
17at kumakapit ang mga ugat nito sa mga bato.
18Ngunit kapag nabunot na ito, hindi na pinapansin.
19Ganyan ang wakas ng buhay niya, at may tanim na tutubong muli sa lugar na kanyang tinubuan.
20“Ang totoo, hindi itinatakwil ng Diyos ang taong matuwid at hindi niya tinutulungan ang taong masama.
21Patatawanin ka niyang muli, at pasisigawin sa kagalakan.
22Ipapahiya niya ang mga napopoot sa iyo at wawasakin ang kanilang sambahayan.”