1Sinabi pa ni Elihu,
2“Sa wari mo baʼy tama ka kapag sinabi mong, ‘Ako ang tama, hindi ang Diyos.’
3Ngunit sabi mo rin, ‘Anong pakinabang sa akin, ano namang makukuha ko kapag akoʼy hindi gagawa ng kasalanan?’
4“Sasagutin kita pati na ang iyong mga kaibigan.
5Tumingin ka sa langit at tingnan mo kung gaano kataas ang ulap.
6Kung magkasala ka man, apektado ba ang Diyos? Kung patuloy ka mang magkasala, may magagawa ba iyon sa kanya?
7Kung matuwid ka, ano naman ang kabutihang maibibigay nito sa Diyos?
8Ang maaapektuhan lamang sa ginagawa mong mabuti o masama ay ang iyong kapwa tao.
9“Ang mga inaapi ay humihingi ng tulong na iligtas sila sa kamay ng mga makapangyarihang tao.
10Ngunit walang nagsasabi, ‘Nasaan ang Diyos na aking Manlilikha, na nagbibigay ng mga awitin sa gabi?
11Nasaan ang nagtuturo at nagpapatalino sa atin nang higit pa sa mga ibon sa kalangitan?’
12At kung mananalangin sila, hindi sila sinasagot ng Diyos dahil mayayabang sila at masasamang tao.
13Tunay ngang hindi dinidinig ng Diyos na Makapangyarihan ang walang kabuluhang paghingi nila ng tulong.
14Lalo ka lang niyang hindi pakikinggan kung sasabihin mong hindi mo nakikita ang kanyang tulong nang idinulog mo ang iyong kalagayan, at pinaghihintay ka lang.
15Sinabi mo rin na hindi nagpaparusa ang Diyos kahit galit siya, at hindi niya pinapansin ang kasamaang ginagawa ng tao.
16Job, walang saysay ang sinasabi mo. Talagang malinaw na hindi mo alam ang iyong sinasabi.”