Job 41

1“Mabibingwit mo kaya ang Leviatan? Matatalian mo kaya ang nguso niya ng lubid?

2Matatalian mo ba ng lubid ang ilong niya o mailalagay mo kaya ang kawit sa kanyang panga?

3Makikiusap kaya itong lagi sa iyo na siyaʼy iyong pakawalan, o di kayaʼy humiling na iyong kahabagan?

4Makikipagkasundo kaya siya sa iyo na magpaalipin habambuhay?

5Kaya mo ba siyang gawing alagang ibon, o di kayaʼy itali para sa iyong mga anak na babae?

6May negosyante kayang bibili sa kanya at hihiwa-hiwain siya upang ipagbili?

7Kaya mo bang punuin ng matutulis na sibat ang kanyang balat, o ʼdi kayaʼy bingwitin ang kanyang ulo ng pamingwit ng isda?

8Kapag hinawakan mo siya, maaalala mo kung gaano ito kahirap hulihin at masasabi mong hinding-hindi ka na uulit.

9Walang saysay ang mga pagsisikap na hulihin siya, dahil makita mo pa lang siyaʼy maduduwag ka na.

10Kung sa kanya ngaʼy walang mangangahas gumambala, sino pa kayang mangangahas na lumaban sa akin?

11Sino ang makapagsasabing may utang na loob ako sa kanya? Ang lahat dito sa mundo ay akin.

12“Sasabihin ko pa sa iyo ang tungkol sa katawan ng Leviatan at kung gaano siya kalakas at kamakapangyarihan.

13Sinong makakatuklap ng kanyang balat o makakatusok nito?

14Sino ang makakapagpabuka ng kanyang bunganga? Ang mga ngipin niyaʼy nakakatakot.

15Ang likod niyaʼy may makakapal na kaliskis na parang kalasag na nakasalansan.

16Masinsin ang pagkakadikit-dikit ng mga ito na kahit hangin ay hindi makakalusot.

17Mahigpit ang pagkakadugtong nila sa isaʼt isa, Magkakadikit ang mga ito at hindi matutuklap.

18Kapag bumabahing siya, may lumalabas na parang kidlat at ang kanyang mga mata ay mapula na parang bukang-liwayway.

19Apoy ang dumadaloy mula sa kanyang bibig at sumisiklab ang apoy na lumalabas

20at umuusok ang ilong na parang nagmumula sa kumukulong palayok na may nagliliyab na panggatong.

21Ang hininga niyaʼy makapagpapabaga ng uling dahil sa apoy na lumalabas sa kanyang bibig.

22Nasa leeg ang kanyang lakas, at ang makakita sa kanya ay kinikilabutan.

23Kahit ang kanyang mga laman ay siksik at matitigas.

24Ang puso niyaʼy kasintigas ng bato, marahas at walang takot.

25Kapag siyaʼy tumayo, takot na takot pati ang mga makapangyarihang tao; binabalot sila ng kilabot.

26Walang espada, sibat, pana, o palasong makakapanakit sa kanya.

27Ang turing niya sa bakal ay dayami, at sa tanso ay bulok na kahoy.

28Hindi niya iniilagan ang mga pana. Ang mga batong tumatama sa kanyaʼy nagiging parang mga ipa lang.

29Ang mga kahoy na ipinapalo ay parang mga dayami lang sa kanya. At pinagtatawanan lang niya ang mga humahagibis na sibat na inihahagis sa kanya.

30Ang kanyang tiyan ay may matatalim na kaliskis, na parang mga basag na bote. Kaya kapag gumagapang siya sa putik, nag-iiwan siya ng mga bakas sa giikan.

31Kinakalawkaw niya ang dagat hanggang bumula na parang kumukulong tubig sa palayok o kumukulong langis sa kaldero.

32Ang tubig na kanyang dinadaanan ay bumubula, parang puting buhok kung tingnan.

33Wala siyang katulad dito sa mundo. Isa siyang nilalang na walang kinatatakutan.

34Minamaliit niya ang lahat ng mayayabang na hayop. Siya ang hari ng lahat ng mababangis na hayop sa gubat.”

Biblica® Open Tagalog Contemporary Bible™ (Ang Salita ng Diyos) © Biblica, Inc. Licensed CC BY-SA 4.0. “Biblica” is a trademark registered in the United States Patent and Trademark Office by Biblica, Inc.