Job 22

1Pagkatapos, sumagot si Elifaz na taga-Teman,

2“May pakinabang ba ang tao sa Diyos? Kahit na marunong pa ito, wala itong maitutulong sa kanya.

3Matutuwa kaya ang Diyos na Makapangyarihan kung matuwid ka? May mapapala ba siya sa iyo kung walang kapintasan ang buhay mo?

4“Sinasaway ka at hinahatulan ng Diyos hindi dahil may takot ka sa kanya,

5kundi dahil sa sukdulan na ang kasamaan mo at walang tigil ang paggawa mo ng kasalanan.

6Walang awa mong kinukuha ang damit ng iyong kapwa bilang garantiya sa kanyang utang sa iyo.

7Hindi mo binibigyan ng tubig ang nauuhaw at hindi mo rin binibigyan ng pagkain ang nagugutom.

8Ginagamit mo ang iyong kapangyarihan at kadakilaan sa pangangamkam ng lupa.

9Kapag humihingi sa iyo ng tulong ang mga biyuda, pinauuwi mo silang walang dala. Pinagmamalupitan mo pa pati ang mga ulila.

10Iyan ang mga dahilan kung bakit napapalibutan ka ng patibong at dumarating sa iyo ang biglang pagkatakot.

11Iyan din ang mga dahilan kung bakit nadiliman ka at hindi nakakita, at inaapawan pa ng baha.

12“Ang Diyos ay nasa kataas-taasang langit, mas mataas pa sa pinakamataas na bituin.

13Kaya sinasabi mo, ‘Hindi alam ng Diyos ang ginagawa ko. Paano siya makakahatol kung napapalibutan siya ng makapal na ulap?

14Napapalibutan nga siya ng makapal na ulap, kaya hindi niya tayo makikita habang naglalakad siya sa itaas ng langit.’

15Patuloy ka bang susunod sa pag-uugaling matagal nang sinusunod ng taong masasama?

16Namatay sila nang wala pa sa panahon; katulad sila ng pundasyon ng bahay na tinangay ng baha.

17Sinabi nila sa Diyos na Makapangyarihan, ‘Pabayaan mo kami!’ At ‘Ano baʼng magagawa ng Diyos na Makapangyarihan sa amin?’

18Ngunit ang Diyos ang siyang pumuno sa kanilang tahanan ng mabubuting bagay. Kaya ang ipapayo ng masasamang tao ay hindi ko tatanggapin.

19Kapag nakita ng mga taong matuwid at walang kasalanan ang kapahamakan ng mga taong masama, matutuwa sila at magdiriwang.

20Sasabihin nila, ‘Napahamak na ang mga kaaway natin, at natupok sa apoy ang kayamanan nila.’

21“Job, magpasakop ka sa Diyos at makipagkasundo sa kanya upang pagpalain ka niya.

22Tanggapin mo ang kanyang mga itinuturo at ingatan sa iyong puso ang kanyang mga salita.

23Kung manunumbalik ka sa Diyos na Makapangyarihan, at aalisin ang kasamaan sa iyong sambahayan, muli ka niyang bibiyayaan.

24At kung ituturing mong parang buhangin lang ang iyong kayamanan, at itatapon sa ilog ang iyong mamahaling ginto,

25ang Diyos na Makapangyarihan ang magiging kayamanan mo, Mamahaling pilak siya para sa iyo.

26At saka mo matatagpuan ang kaligayahang nagmumula sa Diyos na Makapangyarihan, at hindi ka mahihiyang lumapit sa kanya.

27Manalangin ka sa kanya at diringgin ka niya. Tuparin mo ang iyong mga pangako sa kanya.

28Anuman ang binabalak mong gawin ay mangyayari at magiging maliwanag ang iyong daan.

29Kung may taong nanghihina, at kung idadalangin mo sa Diyos na palakasin siya, tutulungan niya ang taong iyon.

30Pati ang mga taong nagkasala ay ililigtas niya sa pamamagitan ng buhay mong matuwid.”

Biblica® Open Tagalog Contemporary Bible™ (Ang Salita ng Diyos) © Biblica, Inc. Licensed CC BY-SA 4.0. “Biblica” is a trademark registered in the United States Patent and Trademark Office by Biblica, Inc.