Job 37

1“Dahil ditoʼy kumakabog ang dibdib ko at tumatalon-talon ang puso ko.

2Pakinggan ninyo ang dagundong ng tinig ng Diyos, ang ugong na nagmumula sa kanyang bibig.

3Pinapakawalan niya ang kidlat sa buong kalawakan, at pinaaabot ito hanggang sa dulo ng mundo.

4Pagkatapos ay maririnig ang dagundong ng kanyang tinig na parang isang kulog. Hindi niya ito pinipigilan.

5Kagila-gilalas ang dumadagundong na tinig ng Diyos. Gumagawa siya ng mga kahanga-hangang bagay, mga bagay na hindi natin kayang unawain.

6Inuutusan niya ang yelo na pumatak sa lupa, ganoon din ang ulan na bumuhos nang malakas,

7upang ang taoʼy makapagpahinga sa kanilang mga ginagawa at makapagbulay-bulay sa mga ginawa ng Diyos.

8Nagtatago ang mga hayop sa kanilang mga taguan at nananatili roon kapag may bagyo.

9Dumadating ang bagyo at ang hanging malamig mula sa kanilang taguan.

10Sa pamamagitan ng hininga ng Diyos nabubuo ang yelo, at nagiging yelo ang malalawak na bahagi ng tubig.

11Pinupuno niya ng tubig ang mga ulap at pinakikidlat ito.

12Sa kanyang utos, nagpapaikot-ikot ang mga ulap sa ibabaw ng mundo. At ang kanyang nais ay kanilang ginagawa.

13Ginagamit niya ang mga ito upang ituwid ang tao, o ipadama ang kanyang pag-ibig.

14“Job, pakinggan mo ito, at pagbulay-bulayan ang mga kahanga-hangang bagay na ginagawa ng Diyos.

15Alam mo ba kung paano inuutusan ng Diyos ang ulap, at kung paano siya nagpapakidlat mula rito?

16Alam mo ba kung paano lumulutang ang mga ulap? Ang lahat ng itoʼy kahanga-hangang gawa ng Diyos na ang dunong ay walang hangganan.

17Ikaʼy pagpapawisan dahil sa mainit na hangin mula sa timog,

18matutulungan mo ba ang Diyos na ilatag ang kalawakan at patigasin na parang tansong salamin?

19“Kaya sabihin mo sa amin kung ano ang dapat naming sabihin sa Diyos. Hindi namin alam kung paano kami mangangatwiran dahil kulang ang aming kaalaman.

20Hindi ko gugustuhing makipagtalo sa Diyos, dahil baka akoʼy kanyang ipahamak.

21Walang sinumang makakatitig sa araw na nagliliwanag sa himpapawid, pagkatapos mahawi ng hangin ang mga ulap.

22Mula sa hilaga, darating ang Diyos na nagniningning na parang ginto at ang kanyang liwanag ay kagila-gilalas.

23Hindi natin lubos na maunawaan ang Diyos na Makapangyarihan na napakadakila. Lubos siyang makatarungan, matuwid at hindi nang-aapi,

24kaya iginagalang siya ng mga tao. Hindi niya pinapansin ang mga taong nagsasabing sila ay marunong.”

Biblica® Open Tagalog Contemporary Bible™ (Ang Salita ng Diyos) © Biblica, Inc. Licensed CC BY-SA 4.0. “Biblica” is a trademark registered in the United States Patent and Trademark Office by Biblica, Inc.