Job 24

1“Bakit hindi pa itakda ng Diyos na Makapangyarihan ang kanyang paghatol? Bakit hindi makita ng mga nakakakilala sa kanya ang panahong iyon ng paghatol?

2Nangangamkam ng lupain ang masasamang tao sa pamamagitan ng paglilipat ng muhon. Nagnanakaw sila ng mga hayop at isinasama sa sarili nilang kawan.

3Ninanakaw nila ang mga asno ng mga ulila, at kinukuha nila ang baka ng biyuda bilang sangla sa utang.

4Inaapi nila ang mga dukha kaya napipilitang magtago ang mga ito.

5Naghahanap sila ng kanilang pagkain sa ilang na parang mga asnong-gubat, dahil wala silang ibang lugar na mapagkukunan ng pagkain para sa kanilang mga anak.

6Namumulot sila ng mga tirang bunga sa mga bukid, pati na sa ubasan ng taong masama.

7Sa gabiʼy natutulog silang giniginaw dahil wala silang damit o kumot man lamang.

8Nababasa sila ng ulan sa mga kabundukan, at sumisiksik na lang sa mga siwang ng bato dahil walang masilungan.

9Kinukuha ang anak ng biyuda at babaeng dukha bilang garantiya sa pagkakautang nila.

10Lumalakad na walang saplot ang mga dukha; tagapasan sila ng mga inaning trigo, ngunit nagugutom pa rin sila.

11Silaʼy pumipiga ng mga olibo sa loob ng mga pader. Tinatapakan nila ang mga ubas sa pisaan subalit nauuhaw pa rin sila.

12Naririnig sa lungsod ang daing ng mga nag-aagaw-buhay at mga sugatang humihingi ng tulong, ngunit hindi ginagantihan ng Diyos ang mga gumawa nito sa kanila.

13“May mga taong kumakalaban sa liwanag. Hindi sila lumalakad sa liwanag at hindi nila ito nauunawaan.

14Ang mga mamamatay-tao ay bumabangon ng maaga at pinapatay ang mga dukha, at sa gabi namaʼy nagnanakaw.

15Ang mangangalunyaʼy naghihintay na dumilim upang walang makakita sa kanya. Tinatakpan niya ang kanyang mukha upang walang makakilala sa kanya.

16Sa gabi, pinapasok ng mga magnanakaw ang mga bahay. Sa araw, nagtatago sila dahil umiiwas sila sa liwanag.

17Itinuturing nilang liwanag ang dilim, dahil gusto nila ang nakakatakot na kadiliman.”

18“Subalit ang masasama ay hindi magtatagal, gaya ng bula sa tubig. Kahit na ang lupa na kanilang pag-aari ay isinumpa ng Diyos. Kaya walang pumaparoon kahit sa kanilang ubasan.

19Kung paanong ang yelo ay natutunaw at nawawala dahil sa init, ang makasalanan ay mawawala rin sa daigdig.

20Lilimutin na sila at hindi na maaalala kahit ng kanilang ina. Lilipulin silang tulad ng pinutol na punongkahoy at kakainin sila ng mga uod.

21Sapagkat hindi maganda ang pakikitungo nila sa mga babaeng baog at hindi sila nahahabag sa mga biyuda.

22Sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Diyos, ibabagsak niya ang mga taong makapangyarihan. Kahit na malakas sila, walang katiyakan ang buhay nila.

23Maaaring hayaan sila ng Diyos na mamuhay nang panatag, ngunit binabantayan niya ang lahat ng kilos nila.

24Maaari rin silang magtagumpay, subalit sandali lang iyon dahil hindi magtatagal ay mawawala sila na parang bulaklak na nalalanta o parang uhay na ginapas.

25“Kung hindi tama ang sinabi ko, sinong makapagpapatunay na sinungaling ako? Sinoʼng makapagsasabing mali ako?”

Biblica® Open Tagalog Contemporary Bible™ (Ang Salita ng Diyos) © Biblica, Inc. Licensed CC BY-SA 4.0. “Biblica” is a trademark registered in the United States Patent and Trademark Office by Biblica, Inc.