Job 6

1Sumagot si Job,

2“Kung matitimbang lamang ang dinaranas kong pagtitiis at paghihirap,

3mas mabigat pa ito kaysa sa buhangin sa tabing-dagat. Iyan ang dahilan kung bakit nagsalita ako ng padalos-dalos.

4Sapagkat ang mga pana ng Diyos na Makapangyarihan ay nakatusok na sa akin; at ang lason nitoʼy kumalat sa buo kong katawan. Ang mga nakakatakot na pana ng Diyos ay nakaamba na sa akin.

5Umaatungal ba ang asnong-gubat kung may damo itong kakainin, o umaangal ba ang baka kapag may makakain?

6Makakain ba ang pagkaing walang lasa kung walang asin? May linamnam ba sa puti lamang ng itlog?

7Ako man ay wala ring ganang kainin iyan, upang akong masusuka.

8“Nawaʼy makamtan ko ang aking kahilingan. Sanaʼy ipagkaloob ng Diyos ang aking inaasam-asam,

9na mas mabuting durugin ako ng Diyos; bawiin na lang ng kamay niya ang aking buhay.

10At kapag itoʼy nangyari, masaya pa rin ako, dahil sa kabila ng aking paghihirap hinding-hindi ko itinakwil ang mga salita ng Banal na Diyos.

11“May lakas pa ba ako para akoʼy umasa pa? May mahihintay pa ba ako, para akoʼy magtiis pa?

12Kasingtigas ba ako ng bato at gawa ba sa tanso ang katawan ko? Hindi!

13Wala na akong lakas upang iligtas ang sarili ko. Wala na rin akong pagkakataong magtagumpay pa.

14“Bilang mga kaibigan nais kong damayan ninyo ako sa paghihirap kong ito, kahit na sa tingin ninyoʼy wala akong takot sa Diyos na Makapangyarihan.

15Ngunit kayong mga itinuturing kong kapatid ay hindi pala maaasahan; para kayong sapa na kung minsaʼy umaapaw at kung minsan namaʼy tuyo.

16Itoʼy umaapaw kapag puno ng tunaw na nyebe o yelo,

17at sa tag-init itoʼy natutuyo; sa init ng panahon itoʼy naglalaho.

18Kapag dumaan doon ang mga naglalakbay, wala silang tubig na maiinom, kaya pagdating nila sa ilang namamatay sila.

19Ang mga mangangalakal na nagmula sa Tema at Sheba na naglalakbay ay umaasang makakainom sa sapa,

20ngunit nabigo sila. Umaasa silang may tubig doon ngunit wala pala.

21Ang sapa na iyon ang katulad ninyo. Wala rin kayong naitutulong sa akin. Natakot kayo nang makita ninyo ang nakakaawa kong kalagayan.

22Ngunit bakit? Humingi ba ako ng regalo sa inyo? Nakiusap ba akong tulungan nʼyo ako mula sa inyong kayamanan,

23o iligtas ako mula sa kamay ng aking mga kaaway, at sagipin ako sa pagkakahawak ng mga mararahas?

24“Turuan nʼyo ako at kayoʼy aking pakikinggan, ipakita sa akin ang aking kamalian.

25Hindi baleng masakit ang sasabihin ninyo bastaʼt iyon ay totoo. Ngunit ang ibinibintang ninyo sa akin ay hindi totoo at hindi ninyo mapatunayan.

26Gusto ninyong ituwid ang mga sinasabi ko, dahil para sa inyo, ang aking sinasabi bilang desperadong tao ay walang kabuluhan.

27Bakit, kayo baʼy matuwid? Nagagawa nga ninyong ipaalipin ang isang ulila, o di kayaʼy ipagbili ang isang kaibigan!

28“Tingnan ninyo ako. Sa tingin ba ninyoʼy magsisinungaling ako sa inyo?

29Tigilan na ninyo ang paghatol sa akin, dahil wala akong kasalanan.

30Akala ba ninyo ay nagsisinungaling ako, at hindi ko alam kung ano ang tama at mali?”

Biblica® Open Tagalog Contemporary Bible™ (Ang Salita ng Diyos) © Biblica, Inc. Licensed CC BY-SA 4.0. “Biblica” is a trademark registered in the United States Patent and Trademark Office by Biblica, Inc.