Job 33

1“Ngayon, Job, pakinggan mong mabuti ang sasabihin ko sa iyo.

2Handang-handa na akong magsalita, at ang mga sasabihin koʼy nasa dulo na ng aking dila.

3Ang sasabihin koʼy mula sa tapat kong puso at tuwiran kong sasabihin ang aking nalalaman.

4Ang espiritu ng Diyos na Makapangyarihan ang gumawa sa akin at nagbigay buhay.

5Sagutin mo ako, kung kaya mo. Ihanda mo ang iyong katuwiran at harapin ako.

6Pareho lang tayo sa harapan ng Diyos. Tulad mo rin akong nagmula sa lupa.

7Kaya huwag kang matakot sa akin at huwag mong isipin na aapihin kita.

8“Ito ang mga narinig kong sinabi mo:

9‘Wala akong kasalanan. Malinis ako at walang ginawang masama.

10Ngunit naghahanap ang Diyos ng dahilan upang akoʼy pahirapan. Itinuturing niya akong kaaway.

11Kinadenahan niya ang aking mga paa at binabantayan ang lahat ng aking kilos.’

12“Ngunit Job, mali ka sa mga sinabi mo. Hindi baʼt ang Diyos ay higit kaysa sa tao?

13Bakit mo siya pinararatangan na hindi niya sinasagot ang daing ng tao?

14Ang totoo, palaging nagsasalita ang Diyos, kaya lang hindi nakikinig ang mga tao.

15Sa panaginip o sa pangitain, habang ang mga taoʼy natutulog nang mahimbing, habang silaʼy nagpapahinga sa kanilang mga higaan,

16bumubulong siya sa kanilang mga tainga upang magbigay ng babala, at ito ang nakapagpatakot sa kanila.

17Ginagawa niya ito upang pigilan ang mga tao sa paggawa ng kasalanan at pagmamataas,

18at upang mailigtas sila sa libingan at hindi mamatay sa talim ng tabak.

19“Kung minsan naman, itinutuwid ng Diyos ang tao sa pamamagitan ng sakit tulad ng walang tigil na pananakit ng buto,

20kaya nandidiri siya sa pagkain, at kahit ang pinakamasasarap na handa ay kinasusuklaman niya.

21Kaya pumapayat siya, at nagiging butoʼt balat na lamang.

22Malapit na siyang mamatay at mapunta sa lugar ng mga patay.

23Ngunit kung may anghel sa tabi niya, isang tagapamagitan, isa sa isang libo upang sabihin sa tao kung paano maging matuwid,

24kahahabagan siya ng Diyos. At sasabihin niya ‘Iligtas nʼyo siya sa kamatayan. Nakatagpo ako ng pantubos sa kanya.’

25Muli siyang magiging malusog. Lalakas siya tulad noong kanyang kabataan.

26At kapag nanalangin siya sa Diyos, sasagutin siya ng Diyos at masayang tatanggapin, ibabalik ng Diyos ang matuwid niyang pamumuhay.

27Pagkatapos, sasabihin niya sa mga tao, ‘Nagkasala ako at gumawa ng hindi tama, ngunit hindi ko natanggap ang parusang nararapat sa akin.

28Iniligtas niya ako sa kamatayan at patuloy akong nabubuhay.’

29“Oo, ginagawa ng Diyos ang mga bagay na ito nang paulit-ulit para sa tao.

30Inililigtas niya ang tao sa kamatayan upang mabuhay ito.

31“Job, pakinggan mo akong mabuti. Tumahimik kaʼt hayaan akong magsalita.

32Kung may gusto kang sabihin, sabihin mo, sapagkat nais kong malaman kung wala ka talagang kasalanan.

33Ngunit kung wala ka namang sasabihin, tumahimik ka na lang at makinig sa aking karunungan.”

Biblica® Open Tagalog Contemporary Bible™ (Ang Salita ng Diyos) © Biblica, Inc. Licensed CC BY-SA 4.0. “Biblica” is a trademark registered in the United States Patent and Trademark Office by Biblica, Inc.