1“Job, kahit humingi ka ng tulong, walang tutulong sa iyo. Kahit ang mga anghel ay hindi ka tutulungan.
2Ang sama ng loob ay pumapatay sa hangal, at ang paninibugho ay pumupuksa sa taong mangmang.
3Ayon sa aking nakita at nalaman, maaaring umunlad ang pamumuhay ng isang hangal, ngunit bigla na lang isusumpa ng Diyos ang sambahayan niya.
4Ang mga anak niyaʼy walang malalapitan at wala ring magtatanggol sa kanila sa hukuman.
5Ang ani niyaʼy kakainin ng iba. At kahit ang mga bungang nasa tinikan ay kukunin ng mga taong gutom. Ang kayamanan niyaʼy aagawin ng mga taong uhaw sa mga ari-arian.
6Ang kahirapan ay hindi galing sa alikabok at ang kaguluhan ay hindi umuusbong sa lupa.
7Ngunit likas sa tao ang ipanganak sa kaguluhan, tulad ng tilamsik ng apoy na pumapailanlang.
8“Kung ako sa iyo, lalapit ako sa Diyos. Sasabihin ko sa kanya ang aking kalagayan.
9Sapagkat gumagawa siya ng mga kahanga-hangang bagay at mga himalang hindi kayang unawain o bilangin.
10Nagpapadala siya ng ulan sa mundo at pinatutubigan niya ang mga bukirin.
11Itinataas niya ang mga nagpapakumbaba at kinakalinga ang mga nagdadalamhati.
12Sinisira niya ang plano ng mga mandaraya, upang hindi sila magtagumpay.
13Hinuhuli niya ang marurunong sa kanilang katusuhan, at hinahadlangan ang plano ng mga mapanlinlang.
14Hindi sila nakakakita kahit maliwanag, at nangangapa sa kadiliman kahit na katanghalian.
15Inililigtas ng Diyos ang mga dukha mula sa kamatayan at sa mga taong makapangyarihan na umaapi sa kanila.
16Kaya may pag-asa ang mga dukha, ngunit ang masasama ay kanyang sinasaway.
17“Mapalad ang taong itinutuwid ng Diyos ang pag-uugali. Kaya huwag mong mamasamain ang pagtutuwid ng Diyos na Makapangyarihan sa iyo.
18Sapagkat ang sinusugatan niya ay kanya ring ginagamot. Ang kanyang sinasaktan ay kanyang pinapagaling.
19Palagi ka niyang ililigtas sa mga salot at panganib.
20Ililigtas ka niya sa kamatayan sa panahon ng taggutom at digmaan.
21Iingatan ka niya kung sisiraan ka ng iba, at wala kang katatakutan kung dumating man ang kapahamakan.
22Tatawanan mo ang taggutom at kapahamakan, at ang mababangis na hayop ay hindi mo katatakutan.
23Makikipagkasundo ka sa mga bato sa parang at sa gitna ng mga mababangis na hayop ay mamumuhay kang may kapayapaan.
24Mamumuhay ng payapa ang sambahayan mo at walang mawawala sa iyong mga hayop.
25Dadami ang iyong angkan na parang kasindami ng mga damo sa lupa.
26Hahaba ang buhay mo at hindi ka mamamatay nang hindi sa tamang panahon.
27“Ayon sa aming nalaman at naranasan, ay aming napatunayan na talagang totoo ang lahat ng ito. Kaya dinggin mo ito at isabuhay para sa ikabubuti mo.”