1Nagpatuloy sa pagsasalita si Job,
2“Sumusumpa ako sa Makapangyarihan at buháy na Diyos na nagkait ng katarungan at nagdulot sa akin ng sama ng loob.
3Habang akoʼy may hiningang mula sa Diyos at pinapahintulutan niyang mabuhay,
4hindi ako magsasalita ng masama at kasinungalingan.
5Hinding-hindi ko matatanggap na tama kayo. Ipipilit ko pa ring wala akong kasalanan hanggang sa aking kamatayan.
6Ipaglalaban kong tama ako, at hindi ako titigil. Malinis ang aking konsensiya habang akoʼy nabubuhay.
7“Parusahan nawa ng Diyos ang mga kumakalaban sa akin ng parusang nararapat sa masasamang tao!
8Sapagkat ano ang pag-asa ng taong walang takot sa Diyos kung bawiin na ng Diyos ang kanyang buhay?
9Diringgin kaya ng Diyos ang paghingi niya ng tulong kung dumating sa kanya ang kagipitan?
10Matutuwa kaya siya sa Diyos na Makapangyarihan? Tatawag kaya siya sa kanya sa lahat ng oras?
11“Tuturuan ko kayo ng tungkol sa kapangyarihan ng Diyos. Sasabihin ko sa inyo ang mga pamamaraan niya.
12Ngunit nakita na ninyo ang lahat ng ito. Bakit pa kayo nagsasalita ng walang kabuluhan sa akin?
13“Ito ang kapalarang itinakda ng Diyos na Makapangyarihan sa taong masama at malupit.
14Kahit gaano kadami ang anak niya, mamamatay ang iba sa kanila sa digmaan at ang iba naman ay sa gutom.
15Ang matitira sa kanila ay mamamatay sa sakit, at walang magluluksa sa pagkamatay nila, kahit ang kanilang mga asawa.
16Mag-ipon man ng maraming pilak ang masamang tao, kahit kasindami pa ito ng alabok at maraming damit, na ang dami ay gabundok
17ang matutuwid at walang kasalanan pa rin ang magsusuot ng kanyang mga damit at ang maghahati-hati sa kanyang mga pilak.
18Ang itinatayo niyang bahay ay parang sapot ng gagamba o kayaʼy silungan ng tagapagbantay.
19Matutulog siyang mayaman ngunit paggising niyaʼy wala na ang kanyang kayamanan.
20Darating sa kanya ang takot na parang rumaragasang baha at tatangayin siya ng ipuipo pagsapit ng gabi.
21Tatangayin siya ng hanging mula sa silangan at mawawala siya sa kanyang tirahan.
22Walang awa siyang tatangayin nito habang pinipilit niyang makatakas.
23May mga papalakpak at susutsot sa kanya upang mangutya, dahil wala na siya sa kanyang tinitirhan.”