1Pagkatapos, sumagot si Zofar na taga-Naama,
2“Hindi dapat palampasin itong mga sinabi mo. Hindi mapapatunayan ng isang tao na wala siyang kasalanan sa pamamagitan lang ng kanyang mga salita.
3Sa tingin mo baʼy mapapatahimik kami ng mga sinasabi mong walang saysay? Akala mo baʼy hindi ka namin sasawayin sa iyong panunuya?
4Sinasabi mong tama ang iyong paniniwala at matuwid ka sa paningin ng Diyos.
5Buksan sana ng Diyos ang kanyang bibig at magsalita siya laban sa iyo,
6at ilahad sa iyo ang mga lihim ng karunungan, sapagkat ang totoong karunungan ay may dalawang panig. Alamin mo ito: Kinalimutan na ng Diyos ang ilan sa iyong mga kasalanan.
7“Kaya mo bang unawain ang lahat-lahat tungkol sa Diyos?
8Mas mataas pa ito kaysa sa langit at mas malalim pa kaysa sa lugar ng mga patay. Mas malawak pa ito kaysa sa mundo at mas maluwang pa kaysa sa dagat. Maihahambing mo kaya ang karunungan mo sa kanya?
10“Halimbawang dakpin ka ng Diyos, iharap sa hukuman at ipakulong, may makakapigil ba sa kanya?
11Alam niya kung sino ang mga mandaraya at hindi lingid sa kanya ang kanilang kasamaan.
12Ang mangmang ay imposibleng maging marunong gaya ng asnong-gubat na imposibleng manganak ng tao.
13“Job, kung magsisisi ka at lalapit sa Diyos,
14at tatalikuran ang iyong mga kasalanan, at kung pati ang sambahayan mo ay magsisisi sa kanilang kasalanan,
15tiyak na hindi ka na mapapahiya, tatatag ang iyong pamumuhay at wala ka nang katatakutan.
16Makakalimutan mo na rin ang iyong paghihirap na parang tubig na umagos lang at nawala.
17At ang buhay moʼy magiging mas maliwanag pa kaysa sa sikat ng araw sa katanghaliang tapat. At ang dati mong buhay na madilim ay magiging maliwanag katulad ng umaga.
18Mapapanatag ang buhay mo dahil may bago kang pag-asa. Iingatan ka ng Diyos at makapagpapahinga ka nang walang kinatatakutan.
19Matutulog ka nang walang takot, at marami ang hihingi ng tulong sa iyo.
20Ngunit ang masasama ay mabibigo at walang patutunguhan. At ang tanging pag-asa nila ay kamatayan.”