1“Malapit na akong mamatay; parang malalagot na ang aking hininga. Nakahanda na ang libingan para sa akin.
2Napapaligiran ako ng mga mangungutya. Kitang-kita ko kung paano nila ako kutyain.
3O Diyos, tulungan nʼyo po ako na makalaya. Tanging kayo lang ang makakatulong sa akin.
4Isinara nʼyo ang isipan ng aking mga kaibigan upang hindi sila makaunawa. Kaya huwag ninyong payagang magtagumpay sila sa kanilang mga paratang sa akin.
5Katulad sila ng taong nandadaya sa kanyang mga kaibigan upang magkapera, at ito ang magiging dahilan ng paghihirap ng kanyang mga anak.
6“Ginawa akong katawa-tawa ng Diyos sa mga tao at dinuraan pa nila ang mukha ko.
7Nagdilim na ang paningin ko dahil sa matinding kalungkutan; halos butoʼt balat na ako, at halos kasingnipis na ng anino.
8Ang mga taong matuwid ay nagulat sa nangyaring ito sa akin. Ang mga walang salaʼy nagngitngit sa galit dahil sa mga hindi makadiyos.
9Ngunit ang matuwid ay nananatili sa kanyang landas at ang mga may malinis na kamay ay lalo pang tatatag.
10Ngunit hinahamon ko sila na minsan pa nila akong siyasatin. At tiyak na matutuklasan kong wala kahit isa sa kanila ang nakakaunawa.
11Malapit nang matapos ang mga araw ko. Bigo ang mga plano koʼt hinahangad.
12Ngunit sinasabi ng iba na baka sakaling maging mabuti rin ang kalagayan ko sa hinaharap, dahil sa kabila raw ng dilim ay may liwanag.
13Ngunit kung ako man ay may pag-asa pa, doon ito sa lugar ng mga patay kung saan ako titira. At nais ko nang ilagay ang higaan ko sa madilim na lugar na iyon.
14Ituturing kong ama ang libingan ko at ang mga uod ang siya kong ina at babaeng kapatid.
15May pag-asa pa kaya ako? Sinong makapagsasabi na may pag-asa pa ako?
16Kasama kong malilibing ang pag-asa ko. Magkakasama kami roon sa ilalim ng lupa.”