Job 36

1Nagpatuloy pa si Elihu,

2“Pagtiyagaan mo pa ako ng kaunti, dahil may sasabihin pa ako upang ipagtanggol ang Diyos.

3Marami akong nalalaman at papatunayan ko sa iyo na ang Diyos na lumikha sa akin ay tama.

4Tinitiyak ko sa iyong hindi ako nagsisinungaling, dahil ako na kausap moʼy tunay na marunong.

5“Makapangyarihan ang Diyos, ngunit wala siyang hinahamak. Nalalaman niya ang lahat ng bagay.

6Hindi niya pinapayagang mabuhay ang masama, at ang mga inaapi ay binibigyan niya ng katarungan.

7Hindi niya pinapabayaan ang mga matuwid. Pinararangalan niya sila kasama ng mga hari magpakailanman.

8Ngunit kung silaʼy pinahihirapan na parang ginagapos ng kadena,

9ipinapakita sa kanila ng Diyos ang ginawa nilang kasalanan na ipinagmamalaki pa nila.

10Ipinaririnig niya sa kanila ang kanyang babala at inuutusan silang tumalikod sa kasamaan.

11Kung susunod sila at maglilingkod sa kanya, buong buhay silang mamumuhay sa kasaganaan at kaligayahan.

12Ngunit kung hindi sila susunod, mamamatay sila sa digmaan na kapos sa kaalaman.

13“Ang mga taong hindi makadiyos ay nagkikimkim ng galit sa puso, at kahit na pinaparusahan na sila ng Diyos, hindi pa rin sila humihingi ng tulong sa kanya.

14Mamamatay silang nang maaga, habang silaʼy bata pa pagkatapos nilang sayangin ang kanilang buhay sa kalaswaan.

15Ngunit sa pamamagitan ng mga paghihirap, tinuturuan ng Diyos ang mga tao. Natututo silang makinig sa kanya sa pamamagitan ng mga pagdurusa.

16“Inilalayo ka ng Diyos sa panganib at binibigyan ng kalayaan at kasaganaan. At mapupuno ng masasarap na pagkain ang iyong hapag-kainan.

17Ngunit ngayong nararanasan mo ang parusang nararapat sa masasamâ, hindi ka na makakaiwas sa katarungan.

18Mag-ingat kaʼt baka matukso ka sa kayamanan at maakit sa malaking suhol.

19Makakatulong kaya sa iyong paghihirap ang mga kayamanan moʼt kakayahan?

20Huwag mong hahanapin ang gabi, ang panahon ng kapahamakan ng mga bansa.

21Mag-ingat kaʼt huwag gumawa ng masama. Pinahihirapan ka upang makaiwas sa kasamaan.

22“Alalahanin mong ang Diyos ay tunay makapangyarihan. Walang guro na katulad niya.

23Walang makapagtuturo sa kanya kung ano ang dapat niyang gawin, at walang makapagsasabing nagkamali siya.

24Huwag mong kalimutang purihin ang kanyang mga ginawa gaya ng ginagawa ng iba sa kanilang pag-awit.

25Nakita ng lahat ng tao ang kanyang mga gawa, kahit tinitingnan ito mula sa malayo.

26Tunay na makapangyarihan ang Diyos at hinding-hindi natin kayang unawain ang kanyang kadakilaan. Kahit ang kanyang mga taon ay hindi natin mabibilang.

27“Ang Diyos ang nagpapaakyat ng tubig mula sa lupa at ginagawa niyang ulan.

28Bumubuhos ang ulan mula sa ulap at ang lahat ng taoʼy nakikinabang.

29Walang nakakaalam kung paano kumakalat ang ulap, at kung paano kumukulog sa langit kung saan nananahan ang Diyos.

30Masdan mo kung paano niya pinakikidlat sa kanyang paligid, at kung paano nito pinaliliwanag hanggang sa dulo ng dagat.

31Ganito niya kinakalinga ang mga bansa, binibigyan niya sila ng pagkaing sagana.

32Hinahawakan niya ang kidlat at inuutusang tamaan ang sinumang nais niyang patamaan.

33Ang kulog ay nagpapahiwatig na may bagyong paparating, kahit mga hayop ay alam na itoʼy darating.

Biblica® Open Tagalog Contemporary Bible™ (Ang Salita ng Diyos) © Biblica, Inc. Licensed CC BY-SA 4.0. “Biblica” is a trademark registered in the United States Patent and Trademark Office by Biblica, Inc.