Job 40

1Sinabi pa ng Panginoon kay Job,

2“Makikipagtalo ka pa rin ba sa akin, ako na Diyos na Makapangyarihan? Sinasabi mong nagkamali ako. Ngayon, sagutin mo ako.”

3Kaya sinagot ni Job ang Panginoon,

4“Hindi po ako karapat-dapat na sumagot sa inyo. Tatahimik na lamang po ako.

5Marami na akong nasabi, kaya hindi na po ako magsasalita.”

6At sinagot ng Panginoon si Job mula sa ipuipo,

7“Ihanda mo ang iyong sarili, at sagutin mo ang mga tanong ko.

8“Gusto mo bang patunayan na mali ako upang palabasin na ikaw ang tama?

9Ang kamay mo baʼy makapangyarihan tulad ng sa Diyos? Dadagundong ba ang boses mo tulad ng sa kanya?

10Kung magagawa mo iyan, patunayan mo na ikaw nga ay makapangyarihan, marangal at dakila.

11Ipakita mo ang matindi mong galit sa taong mayayabang at ibagsak sila.

12Wasakin mo ang taong masasama sa kanilang kinatatayuan.

13Ilibing mo silang lahat sa lupa, sa lugar ng mga patay.

14Kapag nagawa mo ang mga ito, ako ang pupuri sa iyo at tatanggapin kong may kakayahan ka na iligtas ang iyong sarili.

15“Tingnan mo ang Behemot, nilalang ko rin siya katulad mo. Kumakain ito ng damo na tulad ng baka,

16ngunit napakalakas nito, at napakatibay ng katawan.

17Ang buntot niyaʼy tuwid na tuwid na parang kahoy ng sedro, at ang mga hitaʼy matipuno.

18Ang mga buto nitoʼy tulad ng tubong tanso o bakal.

19Kahanga-hanga siya sa lahat ng aking nilalang. Ngunit ako na Manlilikha niya ay hindi niya matatalo.

20Nanginginain siya sa mga kabundukan habang naglalaro ang mga hayop sa gubat malapit sa kanya.

21Nagpapahinga siya sa matitinik na halamang natatabunan ng talahib.

22Ang mga halamang matinik at ang iba pang mga punongkahoy sa tabi ng batis ay nagiging kanlungan niya.

23Hindi siya natatakot kahit na rumaragasa ang tubig sa ilog. Tahimik pa rin siya kahit halos natatabunan na siya ng tubig ng Ilog Jordan.

24Sino ang makakahuli sa kanya sa pamamagitan ng pagbulag sa kanya? Sino ang makakabitag sa kanya at makakakawit sa ilong niya?

Biblica® Open Tagalog Contemporary Bible™ (Ang Salita ng Diyos) © Biblica, Inc. Licensed CC BY-SA 4.0. “Biblica” is a trademark registered in the United States Patent and Trademark Office by Biblica, Inc.