Job 34

1Sinabi pa ni Elihu,

2“Kayong mga nagsasabing marurunong at maraming nalalaman, pakinggan ninyo akong mabuti.

3Sapagkat kung papaanong alam ng dila ang masarap at hindi masarap na pagkain, alam din ng tainga kung ano ang tama at hindi tamang mga salita.

4Kaya alamin natin kung ano ang tama, pag-aralan natin kung ano ang mabuti.

5“Sapagkat sinabi ni Job, ‘Wala akong kasalanan ngunit hindi ako binigyan ng Diyos ng katarungan.

6Kahit na matuwid ako, itinuring akong sinungaling. Kahit na wala akong nagawang kasalanan, binigyan niya ako ng karamdamang walang kagalingan.’

7Walang taong katulad ni Job na uhaw sa pangungutya.

8Ang gusto niyang makasama ay masasama at makasalanang tao,

9dahil sinabi niya, ‘Walang pakinabang ang tao kung magsisikap siyang bigyan kasiyahan ang Diyos!’

10“Kaya makinig kayo sa akin, kayong mga nagsasabing kayo ay nakakaunawa. Ang Diyos na Makapangyarihan ay hindi gumagawa ng masama.

11Ginagantihan niya ang tao ayon sa mga ginawa nito; pinakikitunguhan niya ang tao ayon sa nararapat sa ugali nito.

12Tunay ngang hindi gagawa ng masama ang Diyos na Makapangyarihan. Hindi niya maaaring baluktutin ang hustisya.

13May nagtalaga ba sa kanya upang mamuno sa lupa? May nagbilin ba sa kanya upang mamahala sa buong sanlibutan?

14Kung loloobin ng Diyos na kunin ang buhay na ibinigay niya sa tao,

15lahat ng taoʼy mamamatay at babalik sa lupa.

16“Job, kung ikaʼy may pang-unawa, pakinggan mo ang sasabihin ko:

17Maaari ba namang mamuno ang Diyos kung ayaw niya ng katarungan? Hahatulan mo ba ang matuwid at makapangyarihan?

18Hindi baʼt siya ang sumasaway sa mga hari at pinunong masama at walang kuwenta?

19Wala siyang itinatangi sa mga pinuno at wala rin siyang pinapanigan, mayaman man o mahirap, dahil silang lahat ay pare-pareho niyang nilikha.

20Kahit ang taong makapangyarihan ay biglang mamamatay sa gabi nang hindi ginagalaw ng tao.

21“Binabantayan ng Diyos ang lahat ng ginagawa ng tao.

22Walang madilim na lugar na maaaring pagtaguan ng masama.

23Hindi na kailangang tawagin pa ng Diyos ang tao upang humarap sa kanya upang tanungin at hatulan.

24Hindi na niya kailangang imbestigahan pa ang taong namumuno upang alisin ito sa katungkulan at palitan ng iba.

25Sapagkat alam niya ang kanilang ginagawa, inaalis niya sila sa kapangyarihan at nililipol kahit gabi.

26Hayagan niya silang pinaparusahan dahil sa kanilang kasamaan.

27Ginawa niya ito dahil tumigil sila ng pagsunod sa kanya, at binalewala ang kanyang pamamaraan.

28Inaapi nila ang mga dukha, at narinig ng Diyos ang paghingi ng mga ito ng tulong.

29Ngunit kahit na tumahimik ang Diyos at magtago, walang sinuman ang makapagsasabing mali siya. Ang totoo, binabantayan ng Diyos ang tao at mga bansa,

30upang patigilin ang pamumuno ng mga hindi makadiyos, para hindi nila mabitag mga tao.

31“Sakaling may magsabi sa Diyos, ‘Napagdusahan ko na ang aking kaparusahan; hindi na ako muling gagawa ng kasalanan,’

32o, ‘Sabihin nʼyo sa akin ang kasalanan ko; kung nagkasala ako, hindi ko na ito muling gagawin.’

33Papaano sasagutin ng Diyos ang kahilingan mo kung hindi ka magsisisi? Ikaw ang magpapasya nito at hindi ako. Kaya sabihin mo sa akin kung ano ang pasya mo.

34“Ang mga taong marurunong at may pang-unawa, na nakikinig sa akin,

35ay makapagsasabing ang mga sinasabi mo Job ay kamangmangan at walang kabuluhan.

36Dapat ka ngang lubusang subukin, Job, dahil nagsasalita kang tulad ng isang masamang tao.

37Dinadagdagan mo pa ang kasalanan mo dahil sa paghihimagsik mo sa Diyos. Minamasama moʼt kinukutya ang Diyos sa harap namin.”

Biblica® Open Tagalog Contemporary Bible™ (Ang Salita ng Diyos) © Biblica, Inc. Licensed CC BY-SA 4.0. “Biblica” is a trademark registered in the United States Patent and Trademark Office by Biblica, Inc.