1Pagkatapos, sinabi ni Job,
2“Hanggang ngayoʼy labis pa rin ang hinaing ko. Pinahihirapan pa rin ako ng Diyos sa kabila ng labis kong pagdaing.
3Kung alam ko lang kung saan ko siya hahanapin; kung makakapunta lang sana ako sa kinaroroonan niya,
4sasabihin ko sa kanya ang aking kaso at ilalahad ang aking katuwiran.
5Gusto kong malaman kung ano ang isasagot niya sa akin at gusto ko ring maintindihan ang sasabihin niya.
6Makikipagtalo kaya siya sa akin gamit ang kapangyarihan niya? Hindi! Hindi niya iyon gagawin, kundi pakikinggan niya ako.
7Ang taong matuwid na tulad ko ay maaaring mangatuwiran sa harap ng aking hukom, at palalayain niya ako nang lubusan.
8“Akoʼy pumunta sa silangan, ngunit wala siya roon; pumunta ako sa kanluran, ngunit hindi ko siya makita.
9Hindi ko siya natagpuan sa hilaga, sapagkat siyaʼy nakakubli. Hinanap ko siya sa timog, ngunit siyaʼy natatakpan.
10Ngunit alam niya ang aking ginagawa. Pagkatapos niya akong subukan, makikita niyang malinis ako tulad ng purong ginto.
11Sinunod ko ang kanyang mga hakbang; hindi ko ito sinuway.
12Sinusunod ko ang kanyang mga utos, at iniingatan ko ito sa aking puso. Pinahahalagahan ko ang mga salita niya nang higit pa sa pang-araw-araw kong pagkain.
13“Ngunit malaya ang Diyos na gawin ang nais niyang gawin; walang sinumang makahahadlang sa kanya.
14Kaya gagawin niya ang binabalak niyang gawin sa akin, at marami pa siyang planong gagawin sa akin.
15Kaya natatakot ako sa kanya. At kapag iniisip ko ito, lalo akong natatakot.
16Pinahihina ng Diyos ang aking puso, tinatakot ako ng Makapangyarihan.
17Ngunit hindi ako mananahimik kahit na akoʼy pinapalibutan ng kadiliman, kahit na akoʼy binabalot ng karimlan.